ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | June 27, 2023
Ngayong pirmado na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Excellence in Teacher Education Act o ang Republic Act No. 11713, inaasahan natin ang ganap na pagpapatupad ng batas para matiyak ang dekalidad na edukasyon ng mga guro.
Sa naturang batas na iniakda at inisponsor ng inyong lingkod, patatatagin ang Teacher Education Council (TEC) para paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng mga ahensyang may kinalaman sa teacher education and training kagaya ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC). Ito ay upang matiyak ang maayos na transition ng mga guro mula kolehiyo hanggang sa magsimula na silang magturo.
Sa TEC, minamandato ang pagtatakda ng mga pamantayan para sa mga teacher education programs. Titiyakin din ng TEC ang malinaw na ugnayan sa pagitan ng mga teacher education programs at professional standards para sa mga guro at school leaders, pananaliksik, at international best practices.
Tungkulin din ng TEC na bumuo ng roadmap para sa teacher education na isusumite sa CHED at gagawing bahagi ng national higher education roadmap. Gagabayan ng roadmap na ito ang pagdisenyo ng mga angkop, makabago, at malikhaing mga programa.
Bukod dito, tungkulin din ng TEC na magtalaga at magtatag ng mga Teacher Education-Centers of Excellence (COE) sa lahat ng mga rehiyon sa bansa. Ang mga Teacher Education-COEs ay mga pampubliko at pribadong mga kolehiyo, paaralan, o ahensya na may mahusay na track record sa teacher education at pinagmumulan ng mga mahuhusay na graduate.
Lumalabas sa pag-aaral ng Philippine Business for Education (PBEd) sa Board Licensure Examination for Professional Teachers (BLEPT) mula 2010 hanggang 2022, umabot lamang sa 37% ang passing rate sa mga kumuha ng LET sa elementary level at 40% para sa secondary level. Talagang nakadidismaya ang mababang passing rates ng mga kumuha ng Licensure Examination for Teachers.
Kaya naman sa pagsugpo natin sa krisis na bumabalot sa sektor ng edukasyon, mahalagang magarantiya natin na handa at may sapat na kakayahan ang ating mga guro, bagay na magagawa natin kung mabibigyan natin sila ng dekalidad na edukasyon at sapat na pagsasanay. Ipinasa natin ang Excellence in Teacher Education Act upang makamit natin ang layuning ito at kailangan nating tiyakin na maayos itong naipapatupad.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments