ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Nov. 13, 2024
Napakalaki ng aking paghanga sa ating mga para-athlete na karaniwang tinatawag na PWDs o persons with disabilities. Para sa akin, sila ay mas dapat na tawaging “people of determination” dahil sa kanilang angking katatagan sa buhay at kagalingan sa kanilang larangan.
Ito ang ipinaabot ko sa halos isang libong mga atleta na kalahok sa 8th Philippine National Para Games na sinimulan noong November 10 at matatapos sa November 14. Bilang isa sa mga tagapagsalita noong Linggo at bilang chairperson ng Senate Committees on Sports at on Youth, binigyang-diin ko na hindi lang ang husay ng bawat kalahok ang ating hinahangaan kundi maging ang kanilang pagsisikap sa harap ng mga pagsubok — na nagsisilbing inspirasyon para sa lahat.
Ang PNPG na ginaganap sa Rizal Memorial Sports Complex at sa Philsports Complex sa Pasig City ay isang importanteng national competition para sa mga atletang may kapansanan. Nagbibigay-daan ito para maging kinatawan sila ng ating bansa sa international competitions gaya ng ASEAN Para Games at Paralympics.
Naniniwala ako na ang sports ay hindi lamang para sa kumpetisyon, kundi para rin sa ikabubuti ng ating kalusugan at kalidad ng buhay. Lagi kong ipinaaalala sa ating mga kabataan: “Get into sports, stay away from drugs to keep us healthy and fit.”
Buo ang ating suporta sa lahat ng atletang Pilipino kabilang ang ating para-athletes. Tayo ang may-akda at principal sponsor ng Senate Bill No. 2789 na naglalayon na maamyendahan ang RA 10699 para mapataas ang incentives at suporta sa para-athletes sakaling maging ganap na batas.
Sabi ko nga, ang karangalang dala ng ating para-athletes para sa bansa ay katumbas din ng sa elite athletes kaya dapat lang na maiangat ang suporta at pagkilala sa kanila mula sa gobyerno. Layunin din ng SBN 2789 na matiyak na magkakaroon ang lahat ng atleta ng pantay na oportunidad at resources para sa sama-samang pag-angat ng Philippine sports.
Naging instrumento rin tayo para mapagkalooban ng financial support ang ating paralympians. Sa ating pakikipagtuwang sa Philippine Sports Commission (PSC), ang bawat isang kalahok sa nagdaang 2024 Paris Paralympic Games ay nakatanggap ng PhP500,000 na nagamit nila sa kanilang paghahanda sa kumpetisyon.
Principal sponsor at author din tayo ng Senate Bill No. 2514, o ang Philippine National Games bill. Layunin nito na ma-institutionalize ang PNG, kasama na ang PNPG, upang magkaroon ng platform kung saan ang lahat ng atleta sa buong bansa ay mabibigyan ng tsansang makalahok sa pambansang kumpetisyon. Pumasa na ito sa ikatlong pagbasa sa Senado at naghihintay na lang ng lagda ng Pangulo para maging ganap na batas.
Tayo rin ay author at co-sponsor ng Republic Act No. 11470, na nagtayo sa National Academy of Sports. Isinulong natin ito para sa mga kabataang may potensyal na gustong mag-training habang nag-aaral.
Sa ating mga atleta, kasama ninyo ako sa bawat hakbang upang mas mapalawak pa ang mga oportunidad sa sports para sa lahat ng Pilipino.
Samantala, nasa Davao City tayo noong November 9 at dumalo sa inagurasyon ng Pahulayan Building sa Southern Philippines Medical Center. Nagkaroon din tayo ng palugaw para sa mga pasyente, kanilang mga kasama, at mga health worker sa ospital.
Sinaksihan naman ng aking opisina ang opening ceremony ng Go Mac League sa Sta. Maria, Bulacan, na nasuportahan sa ating pakikipagtuwang sa PSC.
Noong November 11 ay sinaksihan ng aking opisina ang turnover ng Medical Transport Vehicles sa DOH Central Luzon Center for Health Development sa San Fernando City, Pampanga, gayundin ang opening ceremony ng Zamboanga Peninsula Polytechnic State University Sports Festival na ating sinuportahan kasama ang PSC.
Kahapon, November 12, isinagawa ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Aloran, Misamis Occidental na dinaluhan ng aking tanggapan.
Tuluy-tuloy naman ang aking Malasakit Team sa paghahatid ng tulong sa ating mga kababayan tulad ng 13 biktima ng sunog sa Cebu City na ating tinulungan.
Tumulong din tayo sa 700 residente ng Island Garden City of Samal, Davao del Norte na kapos ang kita. Katuwang naman si Brgy. Kap Susana Chua, natulungan natin ang 270 mahihirap na residente ng Dapa, Siargao Island, Surigao del Norte.
Bukod sa tulong pangkabuhayan mula sa gobyerno na ating isinulong, sinuportahan din natin ang 123 maliliit na negosyante sa Iba, Zambales katuwang si Gov. Jun Ebdane.
Sa Tanauan City, Batangas ay 114 estudyante ang napagkalooban natin ng karagdagang tulong bukod sa scholarships na ating isinulong para sa kanila.
Sa Sta. Maria, Bulacan ay 63 residenteng nawalan ng tirahan dahil sa kalamidad ang nabigyan natin ng suporta, dagdag pa ang tulong pampaayos ng bahay mula sa DHSUD.
Sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE na nagbigay ng pansamantalang trabaho, naghatid din tayo ng dagdag tulong sa 207 na nawalan ng hanapbuhay sa Pototan, Iloilo kasama si Mayor Adi Lazaro.
Minsan lang tayong daraan sa mundong ito. Anumang tulong ang puwede nating ibigay sa kapwa, o anumang karangalan ang puwede nating ialay sa bansa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito. Bilang inyong Senator Kuya Bong Go, patuloy akong susuporta sa ating mga atleta, at magseserbisyo sa lahat sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comentários