top of page
Search
BULGAR

Sapat na PUVs sa Metro Manila, kailangan na

ni Ryan Sison - @Boses | July 20, 2021



Kasabay ng pagpapatuloy ng suspensiyon ng number coding scheme ang pagtindi ng trapik sa Metro Manila.


Ang sitwasyon tuloy sa EDSA, tila magpa-Pasko na at sa dami ng pribadong sasakyan sa lansangan, tila bumalik na sa pre-pandemic ang bigat ng trapik.


Dahil dito, ipinanawagan sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ibalik ang number coding scheme sa Metro Manila nang sa gayun ay mabawasan ang mga sasakyan sa EDSA, na nagdudulot ng mabigat na trapik, ngunit hindi pa pabor dito ang ahensiya.


Gayunman, panawagan ng transport advocacy group sa MMDA, dapat magdagdag ng pampasaherong sasakyan o maglaan ng mass transport bago ibalik ang number coding scheme sa Metro Manila.


Paliwanag ng grupo, marami pa ring manggagawa ang hindi nakararating sa tamang oras sa kani-kanilang trabaho. Dagdag pa nito, masyadong premature para muling ibalik ang number coding sa Metro Manila. At kung sakaling maipatupad agad ang number coding, babalik umano ang mahahabang pila ng mga pasahero ng MRT, LRT, PNR at EDSA bus Carousel.


Dalawang bagay ang kalaban ng mga komyuter sa araw-araw na pagbiyahe at ‘yan ay ang trapik at limitadong transportasyon. Kaya naman pakiusap natin sa gobyerno, isip-isip pa ng solusyon para sa ikagiginhawa ng ating mga kababayan.


Gayunman, kung hindi pa kakayaning ibalik ang number coding at magdaragdag ng PUVs, magiging sanhi rin ito ng mas mabigat na trapiko. Kung daragdagan naman ang kapasidad ng sa mga sasakyan, hindi ito gaanong ligtas sa hawaan.


Tila araw-araw na sinusubok ng pandemya ang ating pasensiya at ngayon, talagang hamon pa rin ang pagbiyahe, lalo na sa mga manggagawa.


Kaya kung nais nating mabigyan ng mas maayos at maginhawang pagbiyahe ang ating mga komyuter, tiyaking hindi ito makaapekto sa sitwasyon ng trapik at masisiguradong hindi magiging sanhi ng hawaan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page