top of page
Search
BULGAR

Sapat na pondo, tiyakin para sa senior high school financial assistance

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | October 26, 2021



Inihayag ng inyong lingkod sa nagdaang Senate hearing tungkol sa panukalang budget ng Department of Education (DepEd) sa 2022 ang ating pagkabahala sa pagbaba ng halos P9 bilyon sa pondo ng Senior High School Voucher Program (SHS-VP) para sa susunod na taon.


Sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act (GAA), P25.2 bilyon ang inilaang pondo sa SHS-VP. Kabilang ang mahigit P11 bilyon sa ilalim ng “Unprogrammed Appropriations”, kung saan umabot na sa halos P5 bilyon ang nailabas ng DepEd noong Setyembre 2021.


Ngunit sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa 2022, P16.5 bilyon lamang ang nakalaan sa programa. Tinatayang mababawasan ng 33,883 benepisaryo ng programa sa susunod na taon kung hindi magbabago ang panukalang pondong ito.


Target ng programang magkaroon ng 1.38 milyong benepisaryo para sa 2022. Halos P25 bilyon ang kinakailangan dito, o P12.3 bilyon kada semestre. Kung magkakaroon ng P24.6 bilyong pondo ang programa, mapopondohan ang ikalawang semestre ng School Year (SY) 2021-2022 at ang unang semestre ng SY 2022-2023.


Sa ilalim ng 2021 budget, may P6 bilyon pa ang nakalaan para sa unang semestre ng SY 2021-2022, ngunit kukulangin pa rin ito ng P7 bilyon. Kung ang kulang na pondong ito ay pupunan gamit ang P17 bilyon para sa 2022, mahigit P9-K na lang ang matitira sa programa at hindi ito sasapat para pondohan ang isang semestre ng SHS-VP.


Kailangan nating magpadala ng malinaw na mensahe sa mga pribadong paaralan dahil nahihirapan sila at kung babawasan natin ang pondo ng SHS-VP, hindi maganda ang mensahe ang kanilang matatanggap.


Sa pagkakaroon ng sapat na pondo para sa SHS-VP, makatutulong upang maiwasan ang pagpapatung-patong ng utang ng pamahalaan sa mga pribadong paaralan, lalo na’t dinanas ng mga ito ang pagkawala ng maraming trabaho at pagbaba ng enrollment ngayong panahon ng pandemya.


Ang SHS VP ay programang tulong-pinansiyal sa mga nangangailangan, ngunit kuwalipikadong mag-aaral sa senior high school upang makapag-aral sila sa mga pribadong paaralan, o kaya sa state and local universities and colleges.


Kung matitiyak nating may sapat na pondo itong voucher program para sa senior high school, matitiyak natin ang patuloy na edukasyon ng mag-aaral na bahagi ng programa.


Matutulungan din natin ang mga pribadong paaralan na siyang katuwang natin sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page