top of page
Search
BULGAR

Sapat na pagsasanay at edukasyon sa mga guro para sa dekalidad na pagtuturo

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | Enero 25, 2024

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, hindi tayo titigil hangga’t hindi natin nakakamit ang pag-angat ng kalidad ng pagtuturo ng minamahal nating mga guro.


Kaya naman patuloy na hinihimok ng inyong lingkod ang ating pamahalaan na tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No.11713).


Sa ilalim ng naturang batas na iniakda at isinulong ng inyong lingkod noong 18th Congress, patatatagin ang Teacher Education Council (TEC) sa pamamagitan ng mas pinaigting na ugnayan ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Professional Regulation Commission (PRC). Ito ay para tiyakin na may ugnayan sa lahat ng yugto ng edukasyon at pagsasanay ng mga guro, mula pre-service education sa kolehiyo hanggang sa in-service education sa panahong nagsimula na sila sa pagtuturo. 


Mandato rin sa TEC ang pagtatakda ng minimum requirements sa mga teacher education program.


Kasabay ng pagtiyak ni Vice President at Secretary of Education Sara Duterte na tutuparin ng bagong Teacher Education Council at Secretariat nito ang kanilang mga mandato, mahalaga ring maipatupad ang ibang mga probisyon ng batas — kabilang na rito ang pagtatalaga at pagbuo ng mga Teacher Education Centers of Excellence sa lahat ng mga rehiyon sa bansa. Maaasahang may mahusay na track record ang mga Teacher Education Centers of Excellence na siya ring pinagmumulan ng mga pinakamahusay na graduates sa kursong Education.


Mula 2018 hanggang 2022, lumabas sa datos ng Programme for International Student Assessment (PISA) na tumaas ang porsyento ng mga mag-aaral sa mga paaralan na kapos sa mga guro o mga paaralang may mga hindi kuwalipikadong guro, batay sa pinagsama-samang ulat ng mga punong-guro.


Noong 2022, pumalo sa 43 porsyento ng mga mag-aaral ang mga nasa paaralang walang mga guro, at 19 porsyento naman ang mga nasa paaralang kulang sa guro o kaya naman ay hindi kuwalipikadong mga guro. Noong 2018, ang mga katumbas na porsyentong naitala para sa mga ito ay 19 porsyento at walong porsyento.


Nakalaan ang P777.5 bilyon sa 2024 General Appropriations Act (Republic Act No. 11975) para sa in-service training ng mga teacher, administrator, at education support personnel. Saklaw din ng pondong ito ang training ng mga K to 10 teachers para sa pagpapatupad ng MATATAG curriculum. Dapat din ay aligned ang MATATAG curriculum sa mga teacher education programs.


Ang Excellence in Teacher Education Act ay isang mahalagang reporma para iangat ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay para sa ating teachers. Mahalagang magarantiya natin na handa at may sapat na kakayahan ang ating mga guro, bagay na magagawa natin kung mabibigyan natin sila ng dekalidad na edukasyon at sapat na pagsasanay.


Ipinasa natin ang Excellence in Teacher Education Act upang makamit natin ang layuning ito at kailangan nating tiyakin na maayos itong naipapatupad. 


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page