@Editorial | May 29, 2021
Kapansin-pansin ngayon ang iba’t ibang gimik o panghikayat para magpabakuna kontra-COVID-19.
Mula sa bonus o incentives, libreng gulay, bigas, pangkabuhayan showcase, hanggang pa-raffle ng motorisklo, bahay at lupa, talagang lahat ay handang ialok ng mga employer at government officials para lang magpaturok ang kanilang mga empleyado at nasasakupan.
Bilang reaksiyon, ayon sa Department of Health (DOH), wala naman silang nakikitang masama sa ganitong inisyatibo. Mismong ang ahensiya umano ay nag-iisip na rin ng additional incentives para makahikayat ng mas maraming tao na magpabakuna.
Batid naman nating marami pa rin sa mga Pilipino ang may agam-agam sa COVID-19 vaccine.
Gayunman, hindi lang materyal na insentibo ang kailangan ng publiko para talagang magtiwala sa bakuna. Higit na dapat pa ring pagtuunan ay kung paano maipaliliwanag nang maayos ang lahat ng impormasyon na may kaugnayan sa mga itinuturok.
Maaaring kasabay ng mga paghikayat na ito ay naglalabas na rin ng mga panuntunan at aktuwal na resulta ng pagbabakuna ang gobyerno.
Ilantad sa publiko ang kalagayan ng mga nabakunahan na, ipakita ang malinaw na patunguhan ng pagbabakuna at kung ano pa ang mga inaasahan natin sa hinaharap na makatutulong para malampasan ang pandemyang ito.
Kung malinaw na maipararating sa taumbayan ang kahalagahan ng bakuna at talagang mapapawi ang takot at pagdududa, hindi na kailangan ng anumang pa-ayuda o raffle na bongga.
Comments