by Info @Editorial | Nov. 3, 2024
Sa panahon ng kalamidad, ang bigas ay hindi lamang isang simpleng pagkain, ito’y simbolo ng seguridad at katatagan. Gayunman, madalas nating nakikita ang epekto ng mga sakuna sa agrikultura at suplay ng bigas.
Ang kakulangan ng bigas ay nagdudulot ng hindi lamang gutom kundi pati na rin ng kawalang-tiwala sa mga institusyon na dapat sana’y nagpoprotekta at nagsusuporta sa publiko.
Kaugnay nito, umabot na umano sa mahigit P4 bilyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura sa iba’t ibang rehiyon sa bansa dahil sa pananalasa ng mga Bagyong Kristine at Leon. Bagay na dapat magawan ng paraan upang hindi makapagdulot ng labis na kahirapan sa bansa.
Kaya mahalaga ang pagtutok sa mga hakbang upang matiyak ang sapat na suplay ng bigas sa gitna ng mga kalamidad. Kailangan ang mas matibay na sistema ng pamamahagi ng pagkain. Dapat itong mas mabilis at mas maaasahan, lalo na sa mga lugar na madaling maapektuhan ng kalamidad.
Ang mga ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan ay dapat magsanib-puwersa upang maglatag ng mga konkretong plano na magbibigay ng agarang tulong sa mga apektadong komunidad.
Kailangan ang suporta para sa mga lokal na magsasaka. Ang pagpapalakas ng kanilang kakayahan sa pagsasaka ay makatutulong upang hindi maging labis ang pagkasira ng kanilang mga pananim sa panahon ng kalamidad. Dapat silang bigyan ng access sa mga makabagong teknolohiya at mga programang pangsustento na magpapalakas sa kanilang produksyon.
Higit sa lahat, dapat na magkaroon ng mas malawak na edukasyon at kamalayan ang mga mamamayan tungkol sa wastong pag-iimbak ng bigas at iba pang pagkain. Mas magiging handa ang mga tao sa pagharap sa mga sakuna.
Ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng bigas ay isang pangunahing pangangailangan na hindi dapat ipagsawalang-bahala, lalo na sa panahon ng kalamidad.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan, at ng buong komunidad, maaari tayong magtayo ng isang mas matatag na sistema na nagbibigay ng seguridad sa pagkain.
Comments