ni Gerard Arce @Sports | January 3, 2023
Malaking palaisipan ang tatahaking landas ni national team middle blocker/wing spiker Aloena Denise “Dindin” Santiago-Manabat sa susunod na koponan na sasalihan nito maging sa pagbabalik man sa Premier Volleyball League (PVL) o international league kasunod ng pagkakapaso ng kontrata sa Chery Tiggo Crossovers.
Malaking anunsiyo ang inilabas nitong Huwebes ng gabi ng management ng Chery Tiggo sa paligsahan sa koponan ng 29-anyos na 6-foot-2 spiker, habang kinumpirma naman mismo ng naturang volleyball star ang kanyang pamamaalam sa koponan na pinaglaruan sapol noong 2016 sa Foton Tornadoes.
“We thank you for the passion and years you shared with us. All the best, Dindin. We wish you well in all your future endeavors,” pahayag ng Chery Tiggo management sa kanilang Facebook post.
Inaasahan na ni Chery Tiggo head coach Clarence Esteban ang naturang hakbang dahil patapos na ang kontrata nito, subalit nananatiling palaisipan kung saan sunod na destinasyon ang tatahakin nito.
Samantala, napagkatiwalaang maipagpatuloy ang mga naisagawang proyekto at programang pang-propesyonal sa larangan ng pampalakasan si Atty. Richard Santos Clarin para magsilbing bagong chairman ng Games and Amusement Board (GAB) hanggang sa 2028.
Inihayag ng Malacanang ang pagpili sa dating litigation at corporate lawyer para maging sunod na pinuno ng ahensiya ng professional sports na siyang papalit sa iniwang posisyon ni dating Palawan Governor at Congressman Abraham “Baham” Mitra.
Kabi-kabilang mga kandidato ang napipisil na pumalit sa naturang posisyon kabilang si sports journalist at dating commissioner ng nagsarang amateur basketball league na Philippine Basketball League (PBL) na si Manolo “Chino” Trinidad na inendorso na iba’t ibang professional boxers, promoters at sporting legends para sa naturang posisyon.
Comments