ni Gerard Arce @Sports | August 22, 2024
Pursigidong mas makamit ng bagong Japanese citizen na si Sachi Minowa o mas kilala bilang si Jaja Santiago ang pangarap na makapaglaro sa Summer Olympic Games partikular na sa 2028 Los Angeles Games bilang parte ng Nippon national team.
Mayroon pang pagkakataon na katawanin ng 28-anyos na tubong Tanza, Cavite ang bansang Japan sa ika-34th edisyon ng prestihiyosong quadrennial meet, kung saan minsan na itong naimbitahang mag-tryout sa national squad habang nasa proseso pa ang kanyang citizenship.
Hindi lang umabot sa tamang oras ang kanyang pasaporte para sa kampanya sa 2024 Paris Olympics para sa women’s volleyball team, kung saan nabigong makapasok sa quarterfinal berth ang Japan para bumagsak sa ika-9 na puwesto, na bahagyang nahigitan ang 10th place finish sa 2020 Tokyo Olympics.
Sa kanyang pahayag sa Instagram post nitong Sabado ay lubos itong nagpapasalamat na nakamtan nito ang pangarap na makakuha ng bagong citizenship para maging parte ng Japanese team at makatulong sa mga susunod na kumpetisyon. “We grow older as we progress in our careers. Also, I don't know how long I can be a professional volleyball player. What I know now is that I will do my best with the talent God has given me, for my family, for my dream, for the people who believe in me and support me,” paliwanag ng 6-foot-4 middle spiker.
Bagaman apat na taon pa ang kailangang hintayin ng dating National University Lady Bulldogs upang maisakatuparan ang pangarap na makapaglaro sa Olympiad, malaki naman ang paniniwala ng kanyang nakatatandang kapatid na si Dindin Santiago-Manabat ng Choco Mucho Flying Titans na magagawa nitong matupad ang mga minimithi lalo pa’t malakas ang pangangatawan nito at walang anumang nararamdamang sakit o malalang injuries.
Comments