top of page
Search
BULGAR

Santiago at Valdez, bumida sa panalo kontra Malaysia

ni GA - @Sports | May 14, 2022



Sinimulan ng Philippine women’s volleyball team ang kanilang kampanya sa idinaraos na 31st SEAG sa bisa ng 25-14, 25-20, 25-15 paggapi sa Malaysia kahapon sa Quang Ninh Gymnasium sa Hanoi, Vietnam.


Pinangunahan nina Jaja Santiago, Alyssa Valdez, Ria Meneses, Mylene Paat at Ces Molina ang nasabing unang panalo ng koponan pagkaraang mabigong makapagtala ng panalo noong 2019 SEA Games.

Ipinamalas ni Santiago ang nakayayanig na quick hits at matinding net defense sa pagbabalik sa national team matapos hindi makalaro noong 30th edition sa Pilipinas. Nakatuwang nila si setter Kyle Negrito, ang last minute replacement para kay Deanna Wong upang ibigay ang panalo sa kanilang Brazilian coach na si Jorge Souza de Brito.


Ang panalo ang una para sa Philippine women’s volleyball team mula noong preliminary round ng 2017 SEA Games sa Malaysia. Nagbanta pang tatabla ang Malaysia sa second set makaraang humabol mula sa 1-8 na pagkakaiwan sa second set at tuluyang agawin ang bentahe, 17-14. Dito nagsanib-puwersa sina Valdez, Santiago at Kat Tolentino upang maibalik sa kanila ang kalamangan, 20-19 na hindi na nila binitawan para sa 2-0 bentahe sa laban.


Sinimulan ng mga Pinay ang third frame sa pamamagitan ng 18-5 na pag-agwat sa mga Malaysians at hindi na tumingin pa hanggang selyuhan ng spike ni Paat ang tagumpay.


Susunod na makakalaban ng Team Philippines ang defending champion Thailand ngayong 3 p.m. Manila time.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page