ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | December 19, 2020
Dear Doc. Shane,
May katrabaho kami na pinag-uusapan sa opisina na may luslos. Ano ba ‘yun? – Iris
Sagot
Ang luslos o hernia ay ang paglusot ng ilang mga organ sa marupok na bahagi ng abdominal wall. Ang karaniwang halimbawa nito ay ang ang paglusot ng bituka papuntang singit kaya nagkakaroon ng pag-umbok sa bahaging ito.
Kung minsan, ang pagkaluslos ay nawawala at kusang bumabalik ang organ sa dati nitong puwesto, lalo na kung nakahiga ang pasyente. Subalit, kung patuloy na tumataas ang pressure sa abdominal wall, maaaring bumalik ulit ito.
Narito ang mga pangkaraniwang uri ng luslos:
Inguinal hernia. Sa kondisyong ito, ang ilang bahagi ng bituka ay lumulusot papuntang singit. Karaniwang nangyayari ito kapag ang tiyan ay patuloy na nakararanas ng mataas na pressure o dahil sa katandaan.
Femoral hernia. Halos natutulad ito sa inguinal hernia sapagkat ang umbok ay makikita rin sa may bandang singit. Ang kaibahan lamang ay mas mababa ang lugar ng umbok nito kaysa sa inguinal hernia at ang naaapektuhan nito ay ang femoral canal sa halip na ang inguinal ligament.
Umbilical hernia. Ito ay karaniwan nangyayari sa mga sanggol kapag ang kanilang pusod ay hindi maayos ang pagkakasara. Gayunman, maaari rin nitong maapektuhan ang matatanda kung madalas na napuwepuwersa ang tiyan.
Hiatal hernia. Sa uring ito, ang ilang bahagi ng bituka ay umaakyat at lumulusot papuntang chest cavity. Dahil dito, madalas na makararanas ang pasyente ng pangangasim ng lalamunan at sikmura. Ang uring ito ay pinakalaganap sa mga taong may edad 50 pataas.
Ventral hernia. Sa uring ito, ang mga tisyu ay umuumbok mismo sa bahagi ng tiyan at tila nawawala kapag ang pasyente ay humiga. Ito ay karaniwang nakikita sa mga sangol, subalit nawawala rin ito sa kanilang paglaki. Maaari rin nitong maapektuhan ang mga matataba, atleta at buntis.
Bagama’t ang luslos ay may iba’t ibang uri, ang mga sanhi nito ay maaaring magkakatulad. Ilan lamang sa mga pangkaraniwang sanhi ng luslos ay ang mga sumusunod:
Pagtitibi o labis na pag-iri habang dumudumi
Malakas na pag-ubo
Labis na katabaan
Pagbubuhat ng mabibigat na bagay
Paninigarilyo
Kakulangan sa wastong nutrisyon
Pagkakaroon ng congenital birth defect
Pagkapinsala ng abdominal wall dahil sa operasyon
Pagbubuntis
Pagkakaroon ng labis na tubig sa tiyan o ascites
Sintomas:
Paglaki ng bayag sa kalalakihan
Pagkakaroon ng bukol sa apektadong bahagi tulad ng singit
Pagkakaroon ng tila namamagang pakiramdam
Pagsakit o pagkirot ng apektadong bahagi
Pagsakit ng apektadong bahagi kapag tumatayo, umuubo o nagbubuhat
Bahagyang pagkawala ng bukol o pananakit kapag humihiga
Pagduduwal o pagsusuka
Pagkaranas ng mga sintomas ng acid reflux tulad ng pangangasim, hirap sa paglunok at pananakit ng dibdib
Pag-iwas:
Itigil ang paninigarilyo upang hindi magkaroon ng chronic cough na maaaring magdulot ng luslos.
Panatilihin ang wastong timbang sa pamamagitan ng pagkain ng balanse at masusustansiyang pagkain at pag-eehersisyo.
Iwasan ang labis na pag-iri habang dumudumi. Upang maiwasan ang pagtitibi, kumain ng mga pagkaing mayaman sa fiber tulad ng prutas at gulay.
Uminom ng sapat na dami ng tubig upang lumambot ang dumi.
Mag-ehersisyo araw-araw upang lumakas ang mga kalamnan ng tiyan.
Comments