top of page
Search
BULGAR

Sanhi, sintomas at iba’t ibang uri ng kanser sa lalamunan

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | July 23, 2020



Dear Doc. Shane,


Last year ay namatay dahil sa cancer sa lalamunan ang kapatid ko. Moderate naman siyang uminom ng alak pero malakas siyang manigarilyo. Noong na-diagnose siya, sinabi sa amin na hindi na raw kayang operahan kaya nag-chemo lang siya, pero makalipas ang ilang buwan ay namatay siya. Saan ba nakukuha ang sakit na ito at paano ito maiiwasan? – Diego


Sagot


Ang lalamunan ay binubuo ng larynx at ng pharynx. Matatagpuan ang mga bahaging ito sa likod ng ilong at umaabot ito pababa papunta sa mga baga at tiyan. Dahil napakaselan at napakalaki ng bahaging ginagampanan ng mga ito sa katawan, napakahalagang mapanatili ang kalusugan ng mga ito.


Subalit, tulad ng ibang bahagi ng katawan, ang lalamunan ay maaari ring kapitan ng malulubhang karamdaman, kabilang na ang kanser. Nagkakaroon ng kanser ang lalamunan (throat cancer) kapag may hindi mapigilang pagtubo ng mga mapaminsalang selula sa bahaging ito. Ito naman ay nagiging mas malubha kapag labis nang nahigitan ng mga cancer cell ang mga malulusog na selula ng lalamunan.


Hindi pa matukoy ang mga tiyak na sanhi ng kanser sa lalamunan, subalit kilala na ang ilan sa mga pangunahing salik na nagpapataas sa panganib ng pagkakaroon nito. Ang ilan sa mga ito ay ang paninigarilyo at ang pag-abuso sa mga nakalalasing na inumin.


Ang mga sumusunod ay ang mga uri ng kanser sa lalamunan o throat cancer:

  • Nasopharyngeal cancer. Ito ay nagsisimula sa nasopharynx na matatagpuan sa likod ng ilong.

  • Oropharyngeal cancer. Ito ay nagsisimula sa oropharynx na matatagpuan sa likod ng bibig.

  • Hypopharyngeal cancer. Ito ay tinatawag ding laryngopharyngeal cancer na nagsisimula sa hypopharynx (laryngopharynx). Ito ang ibabang bahagi ng lalamunan sa may itaas ng esophagus at daanan ng hangin.

  • Glottic cancer. Ito ay nagsisimula sa mga vocal cord.

  • Supraglottic cancer. Ito ay nagsisimula sa itaas na bahagi ng larynx. Ito rin ang kanser ng epiglottis na siyang humaharang sa pagkain upang huwag itong pumasok sa daanan ng hangin.

  • Subglottic cancer. Ito ay nagsisimula sa ibabang bahagi ng voice box sa ibaba ng mga vocal cord.

Sintomas:

  • Pagkakaroon ng hirap sa paglunok

  • Pagbabago ng boses, lalo na ang pamamalat kapag nagsasalita

  • Pagkakaroon ng sore throat

  • Hindi maipaliwanag na pagbagsak ng timbang

  • Pamamaga ng mga mata, panga, lalamunan o leeg

  • Pagdurugo ng bibig o ilong

  • Hindi mawala-walang o pabalik-balik na ubo

  • Pag-uubo na may kasamang dugo

  • Pagkakaroon ng bukol o sugat na hindi gumagaling

  • Pananakit ng mga tenga

Pag-iwas:

  • Tigilan ang paninigarilyo

  • Sikaping magkaroon ng regular na ehersisyo

  • Matulog ng sapat o walo hanggang 10-oras

  • Bawasan ang pag-inom ng mga nakalalasing na inumin

  • Piliin ang masusustansiyang pagkain

  • Ugaliin ang ligtas na pakikipagtalik

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page