top of page
Search
BULGAR

Sanhi, sintomas at iba pang kaalaman tungkol sa lactose intolerance

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | August 8, 2020




Dear Doc. Shane,


Sa tuwing iinom ako ng gatas ay nag-aalburuto ang aking tiyan at nakakaranas ako ng pagtatae. Ibig sabihin ba nito ay may allergy ako sa gatas? Kung allergy ako sa gatas, saan pa ako maaaring makakuha ng calcium? Kapapanganak ko lang kasi sa aking pangay kaya pinipilit kong uminom ng gatas. – Elsa

Sagot


Maaaring ikaw ay mayroong lactose intolerance at mali na tawagin itong “allergy sa gatas” sapagkat ang dalawang ito ay magkaibang kaso.


Una, ang allergy sa gatas ay isang kaso ng problema sa protina ng gatas, samantalang ang lactose intolerance ay problema naman sa asukal na lactose. Magkaiba rin ang sintomas na nararanasan sa magkaibang kaso na ito. Kapag ang tao ay may lactose intolerance; maaari siyang makaranas ng pagtatae at pananakit ng tiyan, samantala, ang taong may allergy sa gatas ay maaaring makaranas ng pamumula ng balat (rashes) o problema sa paghinga.


Lactose Intolerance ang kondisyong tumutukoy sa kawalan ng kakayanan ng katawan na tunawin ang lactose, isang uri ng asukal na natural na makukuha sa gatas. Ang sakit na ito ay dahil sa kakulangan ng katawan sa enzyme na kung tawagin ay lactase. Wala naman dapat ikabahala sa kasong ito, bagaman maaari itong magdulot ng hindi komportableng pakiramdam, lalo na tuwing magdudulot ito ng pagtatae.


Bakit nagkakaroon ng lactose intolerance?


Malaki ang papel ng heredity sa pagkakaroon ng kondisyong ito. Ito ay kadalasang dulot ng mutation o pagbabago sa genes ng tao habang ipinagbubuntis pa lamang o namana ito mula sa mga magulang na lactose intolerant.


Ito ang dahilan kaya maaaring magkaroon agad ng lactose intolerance mula sa kapanganakan (congenital) pa lang o makuha ito kinalaunan sa pagtanda (developmental). Bagaman maaari rin namang ito ay dulot ng sakit na sumisira sa mga pader ng bituka na kinalalagyan ng lactase, halimbawa ay ang celiac sprue.


Bukod pa rito, ang mga taong ipinanganak na kulang sa buwan (premature birth) at sumasailalim sa radiation therapy sa bandang tiyan, marahil dahil sa kanser ay may mataas din na posibilidad na magkaroon ng lactose intolerance.


Saan pa puwedeng makakuha ng calcium kapag may lactose intolerance?


Hindi dapat ikabahala ang posibilidad na magkulang sa calcium sa pagkakaroon ng lactose intolerance. Bukod sa gatas, may iba pang pagkain ang mayaman sa calcium. Halimbawa ay ang mga gulay na berde at madahon, broccoli, salmon at tokwa. Makakatulong din ang pag-inom ng mga supplements at vitamins na mabibili sa botika.

0 comments

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page