ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | October 8, 2020
![](https://static.wixstatic.com/media/2fdd27_a2b573668fc14bf8908bd731bcb6d91b~mv2.jpg/v1/fill/w_800,h_530,al_c,q_85,enc_avif,quality_auto/2fdd27_a2b573668fc14bf8908bd731bcb6d91b~mv2.jpg)
Dear Doc. Shane,
Problema ko ngayon ang pangangati ng aking singit, gayundin ang ilang bahagi ng aking ari. Pinapahiran ko ito ng calamine lotion nang sa gayun ay mabawasan man lang ang pangangati. Ano kaya ang dahilan nito? – George
Sagot
Ang pangangati ng ari ng lalaki (scrotal itch) ay karaniwang kondisyon at ang gamot dito ay nakadepende sa sanhi nito.
Ang dalawang kadalasang sanhi ng pangangati ng itlog ay fungal infection tulad ng hadhad o allergy. Ang maselang bahagi ng katawan ng lalaki ay sensitibo sa pagbabago sa temperatura at dahil ito ay madalas nababasa, ito ay bahagi kung saan puwedeng tumubo ang mga fungus, na sanhi ng hadhad o jock itch na puwede ring dumapo sa itlog, hindi lang sa singit. Kung allergy naman, ito ay iritasyon sa tela o kemikal.
Narito ang ilang hakbang na puwedeng gawin upang maiwasan ang pangangati:
Iwasang kamutin ang apektadong lugar, sapagkat lalong lalala ang pangangati kung ito ay kakamutin.
Panatilihing tuyo ang bahagi at huwag magsuot ng masikip na brief para mahanginan ang maselang bahagi.
Iwasang magpahid ng kung anu-anong cream, lotion o powder sapagkat baka ang mga kemikal na sangkap sa mga ito ang sanhi ng iritasyon ng balat.
Iwasang ahitin ang pubic hair sapagkat ang pag-aahit ay puwede ring maging sanhi ng iritasyon.
Gumamit lamang ng mild soap sa paliligo at siguraduhing maligo pagkatapos magtrabaho o mag-exercise at huwag hayaang mabasa ang bayag at singit, kailangan itong patuyuing maigi.
Kung may hadhad, gumamit ng angkop ng cream (Terbinafine o Ketaconazole) upang masupil ang fungi na may dala nito.
·
Tandaan na kung hindi pa rin nawawala ang pangangati at kung may iba pang sintomas bukod sa mga ito ay magpakonsulta agad sa doktor.
Comments