ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | August 17, 2020
Dear Doc. Shane,
Ako ay biyuda, subalit may BF na hiwalay naman sa kanyang asawa. May kakaiba akong nararanasan sa aking ari, medyo makati ito at may kakaibang amoy. Napansin ko ito mula ng may mangyari sa amin mg aking BF. Ano kaya ito at ano ang dapat kong gawin? – Anonymous
Sagot
Isa sa mga maaaring magdulot ng pangangati at pangangamoy ng ari ay ang yeast infection, at mas lalong nabubuhay ang yeast sa carbohydrates at sugar, kaya mainam na umiwas sa matatamis na pagkain at inumin.
Tatlo hanggang apat na kababaihan ay posibleng magkaroon ng yeast infection (candidiasis) at puwedeng mangyari kahit buntis pa. Ang pakikipagtalik ay posibleng magdulot nito.
Isa pang dahilan ng pagkati at pagkakaroon ng amoy ng ari ay chemical irritants tulad ng paggamit ng feminine wash na masyadong matapang. Minsan ang ginagamit na vaginal wash ay hindi akma sa pH ng vagina.
Gayundin, sanhi ng iritasyon sa ari ang bacterial infection o sexually transmitted infection tulad ng genital warts o kulugo, herpes at gonorrhea o tulo.
May partikular na amoy ang ari ng babae, pero hindi ito dapat malansa. Samantala, salik din ang menopause sa pangangati at pagkakaroon ng amoy ng ari. Ito ay dahil bumaba ang estrogen production kapag nagme-menopause ang babae sapagkat ang vaginal wall nito ay numinipis at natutuyo.
Inirekomenda sa mga babae na magpatingin sa kanilang OB Gyne kapag umabot na sa tatlong araw o mahigit pa ang pangangati at pangangamoy ng ari nang sa gayun ay masuri kung ano’ng partikular na nagdudulot nito.
Ugaliin ang hugasan ng ari, walang problema kahit tubig lamang ang gamitin, bagama’t may iba na gumagamit ng apple cider vinegar na hinahalo sa tubig.
Makatutulong din sa hygiene, kung aalisin ang pubic hair, magsusuot ng underwear na cotton ang tela at iiwasan ang paggamit ng masyadong masikip na pantalon.
Para hindi maisalin ang anumang bakterya, matapos dumumi, ugaliin munang maghugas o magpunas mula sa ari, papunta sa puwitan, at hindi pabaligtad.
Makabubuti rin ang pag-inom ng probiotics at pagbabago ng diet o pagkain ng masusustansiyang pagkain tulad ng gulay, prutas at iba pa.
Comments