ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | December 06, 2020
Dear Doc. Shane,
Nagkaroon ako ng an-an sa leeg na bukod sa makati kapag pinagpapawisan ako ay hindi rin ito magandang tingnan. Ano ba ang puwedeng ipahid para mawala ito? – Marion
Sagot
Ang an-an o versicolor ay sakit sa balat na sanhi ng fungal infection. Ito ay nangyayari kapag ang isang uri ng fungus na natural na umiiral sa balat ng tao ay biglang dumami. Ang fungus na ito ay sumisira sa ibabaw ng balat at nag-iiwan ng mga puting patse sa balat.
Ang organismo na sanhi ng an-an ay pangkaraniwan sa balat ng tao. Kaya hindi tulad ng iniisip ng karamihan, ito ay hindi nakahahawa. Ang mga puting patse sa balat ay maaaring mawala kapag malamig ang panahon, ngunit ito ay bumababalik at lumalala kapag napakainit ng panahon.
Ano ang gamot sa an-an?
Makabubuti kung magpapakonsulta sa dermatologist upang mabigyan ng rekomendasyon ng cream, lotion o shampoo na maaaring ilagay sa apektadong bahagi ng iyong katawan. Sa mga malalang kaso na hindi na kaya ng papahid-pahid, maaaring magreseta ang doktor ng iniinom na gamot o injection.
Ang salicylic acid ay isa sa mga pinakamura at mabisang paraan ng paggamot sa an-an. Pagkatapos maligo, patuyuin ang buong katawan lalo na ang bahaging may an-an. Kumuha ng bulak, basain ito ng salicylic acid at ipahid sa apektadong mga bahagi.
Tandaan: Ang salicylic acid ay nakasusunog ng balat kaya dapat mag-ingat sa paglalagay nito. Ito ay maaaring ulitin pagkaraan ng dalawa o tatlong araw hanggang sa maalis na ang kakaibang mga patse sa balat.
Ang pag-iwas na magkaroon ng an-an ay mas mainam kaysa sa paggamot nito. Ang pagligo ng isang beses o higit pa araw-araw ay makatutulong. Ang paggamit ng sabon na may sulfur ay papatay sa karamihang mikrobyo na sanhi ng mga kati-kati sa balat. Iwasan din ang hindi kinakailangang pagbibilad sa araw. Iwasan ang paghiram o pagpapahiram ng personal na mga gamit tulad ng damit o makeup kit.
Karamihan sa mga sakit sa balat ay maiiwasan kung tayo ay magiging malinis sa pangangatawan.
Commenti