ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | September 28, 2020
Doc. Shane,
Sa edad na 42 ng aking misis ay wala naman daw siyang anumang nararamdaman maliban sa bigla na lang siyang hinihimatay at dalawang beses na niya itong nararanasan. Ano kaya ang sanhi nito? – Jerome
Sagot
Ang pagkahimatay ay kondisyon kung saan biglaan at panandaliang nawawalan ng malay-tao ang indibidwal dahil sa kakulangan ng sapat na suplay ng dugo sa utak. Tinatawag din itong syncope sa terminolohiyang medikal.
Ano ang sanhi ng pagkahimatay?
Ang pagkahimatay ay maaari o maaaring hindi indikasyon ng seryosong karamdaman. Maaaring dahil ito sa abnormalidad o karamdaman sa puso tulad ng iregular na ritmo ng tibok ng puso. Maaaring dulot din ito ng mababang lebel ng asukal sa dugo (hypoglycemia), kakulangan ng iron sa dugo (anemia) o iregulardad sa presyon ng dugo.
Para sa ilan, ang pagkahimatay ay maaaring dulot din matinding emosyon tulad ng stress, pagkabalisa, matinding takot o pagkaramdam ng matinding sakit. Maaari ring humantong sa pagkahimatay ang matinding gutom na nararamdan.
Ano ang dapat gawin sa taong hinimatay?
Kung bumagsak ang taong hinimatay, agad na i-puwesto nang nakahiga at bahagyang iangat ang kanyang paanan upang makarating ang dugo sa utak. Huwag piliting ibangon o gisingin ang hinimatay na indibidwal.
Luwagan ang damit, tanggalin ang mahigpit na sinturon, at iba pang bagay na maaaring nakapagpapasikip ng paghinga. Bigyan siya ng sapat na hangin.
Bukod sa maayos na paghinga, bantayan din ang pulso at tibok ng puso. Bantayan din ang anumang senyales ng paggalaw ng hinimatay.
Hindi malayong magkaroon ng pinsala sa katawan ang taong hinimatay dahil sa biglaan nitong pagbagsak. Maaaring mabagok ang ulo o tumama ang bahagi ng katawan sa matigas na bagay. Bigyan-lunas kung may sugat o pagdurugo habang walang malay-tao ang hinimatay.
Kung lumampas na ang isang minuto nang hindi pa nanunumbalik ang malay nito, agad nang tumawag ng tulong medikal. Ang ganitong sitwasyon ay maituturing na medical emergency.
Commentaires