ni Mai Ancheta | June 14, 2023
Kinasuhan sa Office of the Ombudsman ang 50 personnel ng Philippine National Police (PNP) kabilang na ang dalawang heneral at isang colonel na isinangkot sa 990 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon noong October 2022.
Sa press briefing ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, sinabi nitong ang National Police Commission (Napolcom) at PNP ang nagsampa ng kaso laban sa 50 police personnel.
Ayon kay Abalos, 48 mula sa 50 kinasuhan ay nakita sa CCTV video habang ang dalawang opisyal ay sinampahan din ng kaso dahil umano sa pakikipagsabwatan o conspiracy.
Kabilang sa mga kasong isinampa laban sa 50 PNP personnel ay paglabag sa Republic Act No. 3091o Anti-Graft and Corrupt Practices Act; falsification of documents; false testimony; malversation of private property; at obstruction of justice.
Pinangalanan ni Napolcom Vice Chairperson Alberto Bernardo ang ilan sa mga kinasuhan na sina PLt. Gen. Benjamin Santos, Jr., PBGen. Narciso Domingo at PCol. Julian Olonan.
Bukod sa kasong kriminal, nahaharap din ang 50 PNP personnel sa kasong administratibo at nakumpleto na ang pre-charge investigation laban sa mga ito.
Inaasahang ilalabas ng Napolcom ang kanilang resolusyon sa loob ng 15 araw.
Kabilang sa kasong administratibo na kinakaharap ng 50 police personnel ay grave misconduct, gross neglect of duty, serious irregularity in the performance of duty at dishonesty.
Sinabi ng Napolcom na kapag napatunayang guilty ang mga ito, masisibak sila sa serbisyo at walang makukuhang benepisyo ang mga ito at hindi na maaaring makapagtrabaho sa alinmang tanggapan ng gobyerno
Comentarios