top of page
Search
BULGAR

Sangkot sa online sexual abuses, dapat parusahan

ni Ryan Sison @Boses | Nov. 5, 2024



Boses by Ryan Sison

Dapat na parusahan ang masasangkot sa insidente ng tinatawag na online sexual abuse and exploitation of children na nangyayari sa bansa. 


Kaya naman ipinangako ng Department of Justice (DOJ) na kanilang papanagutin sa batas ang sinumang may kinalaman sa OSAEC na itinuturing na krimen.


Ayon kay National Prosecution Service Officer-In-Charge Richard Anthony D. Fadullon, titiyakin ng kagawaran na makukulong ang lahat ng mga may sala sa ganitong uri ng mga aktibidad.


Aniya, sasailalim sa mga pagdinig sa korte ang mga mahuhuli habang papatawan ng mga kaukulang kaso ang mga ito sa ilalim ng Department Circular 15 at 20.


Nitong nakaraang linggo, isang foreigner graphic artist ang hinatulan ng French court ng 25 taon pagkakakulong dahil sa pag-order nito ng livestream rape o panggagahasa sa mga batang babae sa Pilipinas.


Napag-alaman ng mga otoridad na binayaran nito ang mga salarin na siyang manghahalay sa mga batang babae na may edad 5 hanggang 10, at saka ipapalabas sa mga manonood.


Hindi dapat ipagsawalang-bahala ang mga kaso ng online sexual abuse and exploitation lalo na kung ang sangkot dito ay mga batang babae.


Kaya tama lamang ang desisyon ng DOJ na parusahan agad ang sinumang mahuhuling salarin. 


Kung tutuusin ay may batas na tayo patungkol sa ganitong uri ng krimen, ang kailangan lamang ay matiyak na maipatupad ito nang tama ng mga kinauukulan.


Marahil, kailangan din ng pakikiisa ng publiko sa ating pamahalaan sa paglaban sa naturang krimen dahil sa ganitong paraan ng pagtutulungan, hindi man agad natin masugpo ay mababawasan ang magiging biktima ng pang-aabuso sa mga kabataan.


Paalala sa mga magulang na dapat nating alagaan, bantayan at protektahan ang ating mga anak upang hindi sila mapahamak.


Alalahanin natin lagi na walang magmamalasakit sa kanila kundi tayo lang na kanilang labis naman na inaasahan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

ความคิดเห็น


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page