ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Marso 15, 2024
Nakakagalit ang ginawang pagsalaula at pambababoy sa isa sa ipinagmamalaki nating atraksyong panturista sa bansa, ang pamosong Chocolate Hills sa Bohol.
Sa nag-viral na mga larawan ng itinayong resort sa paanan ng dinarayong pasyalan, kitang-kita kung paano nasira ang natural na karilagan ng lugar. Aba’y tila nakapandidiring namamagang hinlalaki sa kamay na talaga namang pupunahin mo itong itinayong kasuklam-suklam na mga istruktura sa paligid ng naggagandahang burol.
Nasakripisyo ang pagiging kamangha-mangha ng kabuuan ng tanawin sa gitna ng pagnenegosyong ilan lang ang papayamanin, samantalang unti-unti na ring tatalikdan ng mga turista mula sa ibang bansa ang binabalak sanang pagtungo sa lugar dahil sa naibanderang pagwawalanghiya rito.
Napakahirap talagang maarok kung paano hinayaan ng pamahalaan ang paglalagay ng eye sore na ito na hindi naman mga kabuteng bigla na lamang sumulpot, kundi itinayo rin sa loob ng mahaba-habang panahon.
Napakawalang malasakit naman ng mga inaasahang makialam dito. Wala silang nagawa para ipaglaban ang kapakanan ng nakararaming Pilipino. Sa kalaunan, pati ang nagtayo ng resort na iyan ay siya rin namang mawawalan at malulugi dahil iiwasan na ang lugar. Mahirap bang isipin ang bagay na iyan?
Hindi naman kailangan ng talino ng mga pantas at eksperto para malaman ang tama sa mali, mabuti sa hindi, sa isyung ito. Tanungin lang natin ang ordinaryong sina Juan at Juana dela Cruz na kahit kulang sa pormal na aral ay siguradong masasagot ang dapat.
Talaga namang nakakainsulto ang pangyayaring ito sa katinuan ng bawat Pilipinong nagmamahal sa kanyang bayan.
Bakit nga ba nagkakaganito tayo sa Pilipinas? Kahit mga bagay na malinaw pa sa sikat ng araw na makapagpapariwara sa ating lahat at sa ating kinabukasan bilang isang bayan ay napapayagan?
Aba’y matapos buong-buong maitayo ang kasula-sulasok na ito sa gitna ng kariktan ng Chocolate Hills ay saka pa lamang iikot ang tumbong ng mga dapat tubuan ng takot sa pangyayaring ito, sa gitna ng inaasahang kabi-kabilang imbestigasyong gigisa sa mga tila nagsitulugang mantikang himbing na himbing habang itinatayo ang naturang istruktura.
Sa narinig nating iba’t ibang panig, kasama na ang nabanggit na diumano’y karapatan ng nagtayo ng resort, nakapanggigigil na sa gitna ng taglay na kapangyarihan ng pamahalaan bilang ama ng bayan o parens patriae ay nangibabaw ang pagsasantabi sa kabutihan ng Inang Bayan upang mapagbigyan ang gusto ng iilan.
Napakasakit makitang nagkatalukap ang kagandahan ng Chocolate Hills na tila pagbalot ng maiitim na ulap sa gitna ng nagbabadyang sama ng panahon.
Panagutin ang lahat ng dapat managot at kasuhan! Ibalik ang dating ganda ng Chocolate Hills!
Nananangis na panawagan sa Pangulo na huwag hayaang mapiyait ang natitirang rikit ng Pilipinas. Asintaduhin ang pagmamahal at pagmamalasakit sa bayan!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments