ni Mylene Alfonso | May 17, 2023
Inihahanda na ni PNP drug enforcement group Chief PBGen. Faro Olaguera ang pag-recall sa mga tauhan ng special operations unit ng kanilang hanay mula sa 17 police regional offices ng Philippine National Police.
Ito ay sa gitna ng isinasagawang talakayan ng liderato ng pambansang pulisya hinggil sa desisyon kung bubuwagin o hindi ang special operations unit ng PDEG.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, nakatakdang ipa-recall ang nasa mahigit 700 tauhan ng nasabing hanay upang isailalim sa values formation at moral recovery
program.
Ito ay matapos na masangkot ang ilan sa mga miyembro nito sa maanomalyang operasyon ng 990 kilos biggest drug haul sa Tondo, Maynila noong nakaraang taon.
Kasunod na rin ito ng ipinag-utos ni PNP Chief PGen. Benjamin Acorda, Jr. na disarmahan ang nasa 40 tauhan ng PDEG at isailalim ang mga ito sa imbestigasyon nang dahil sa umano’y pagkakasangkot sa drug protection racket, pagnanakaw, at pagre-recycle ng mga droga.
Sa ngayon, isinasaayos na ang transportasyon ng naturang mga pulis patungo sa national headquarters ng PNP at gayundin ang kanilang pansamantalang tutuluyan habang sumasailalim sa naturang re-training.
Comments