Sanggol na ipinagbili ng ina para ipambayad sa utang sa e-sabong, na-rescue na ng NBI
- BULGAR
- Mar 23, 2022
- 1 min read
ni Jasmin Joy Evangelista | March 23, 2022

Na-rescue na ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Laguna ang 8-buwang-gulang na sanggol na babae matapos ipagbili ng ina nito upang ipambayad sa utang sa e-sabong.
Ayon sa ama ng bata, nabawi nila ang kanyang anak sa tulong ng NBI operatives ng Laguna nitong Martes matapos makatanggap ng impormasyon na nasa Calamba City ang bata.
“Pinuntahan na po namin tapos nakita po namin ‘yung bahay. Tapos sinundan po namin. Sinundan po namin ‘yung sasakyan. Sinundan po namin ‘yung sasakyan na ‘yun kasi lumabas po sa bahay,” pahayag nito sa interview ng Teleradyo ng ABS-CBN ngayong Miyerkules.
“Lumabas po sa bahay ng kumuha sa anak ko, sinundan po namin hanggang sa makapunta po kami ng Sta. Cruz, Laguna. Bumaba po ‘yung babae na parang bibili po ata ng prutas tapos ginawa po namin, kinorner na po namin tapos ‘yun po nahuli po namin, nandun po ‘yung anak ko,” dagdag niya.
Sa ngayon ay nasa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang bata, ayon sa ama nito.
Aniya, ipinangako naman ng DSWD na ibabalik din sa kanya ang kanilang anak.
Sa mga naunang report, nakiusap ang ina ng biktima at humingi ng tulong sa mga awtoridad matapos niyang ipagbili ang kanyang anak sa halagang P45,000 upang ipambayad sa mga utang sa e-sabong.
Ngunit sa Teleradyo interview, sinabi ng ina ng sanggol na hindi umano dahil sa e-sabong ang kanyang pagkakautang at nasa P10,000 lamang ito.
“Nagkautang po ako pero hindi naman po dahil sa e-sabong”, aniya.
Gayunman, inamin nito na siya ay nag-o-online sabong.
Comments