ni Lolet Abania | May 29, 2022
Tatlong bata ang nasawi matapos ma-trap sa nasusunog nilang tirahan sa Barangay Tatalon, Quezon City ngayong Linggo ng madaling-araw.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog ng alas-4:19 ng madaling-araw sa isang residential building sa Kaliraya Street, Barangay Tatalon. Nasa edad 9, 8, at 4 ang mga namatay na bata, ayon sa kanilang ama.
Sa salaysay ng ama ng mga biktima, nagising ang kanyang misis at nagulat na lang ito na may usok sa kanilang silid na matatagpuan sa ikatlong palapag ng gusali. Nang buksan na nila ang pinto ng kuwarto, nakita nila ang kanilang sala na puno na ng usok habang kumakalat na rin ang apoy sa buong kabahayan.
Agad niyang sinabihan ang misis na tumakbo at nagsisigaw siya ng tulong, habang gumagapang para kuhanin ang kanilang bunsong anak na 4-buwang sanggol pa lamang.
Mabilis silang tumakbo pababa ng ikalawang palapag, saka inihagis ng ama ang sanggol sa bintana na ligtas namang nasalo ng kanilang kapitbahay.
Siya at kanyang misis, pati na rin ang panganay na anak ay tumalon mula sa bintana ng ikalawang palapag, kung saan nagtamo ang tatlo ng mga sugat sa katawan. Subalit ang tatlong bata, dalawang babae at isang lalaki, ay hindi nakaligtas sa sunog dahil na-trap ang mga ito na nasa ikatlong palapag ng bahay.
Umabot lamang sa unang alarma ang sunog bago idineklarang fire out bandang alas-5:00 ng madaling-araw. Sinabi pa ng BFP, nahirapan silang pasukin ang lugar at apulahin ang apoy dahil sa makitid na daanan.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng sunog at halaga ng mga ari-arian na napinsala. Subalit, ayon sa BFP tinitingnan nila ang posibilidad ng faulty electrical wiring na naging dahilan ng sunog.
Comentarios