top of page
Search
BULGAR

Sandamakmak na ‘ghost students’ na tinutustusan ng gobyerno, dapat imbestigahan

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Marso 22, 2024


Sa rami ng gustong makapag-aral sa buong Pilipinas, nakakagigil malaman na sandamakmak na multo o ‘ghost students’ pala ang pinaaaral ng gobyerno sa ilalim ng Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act o E-GASTPE. 


Sa pagdinig ng Senado noong Miyerkules na pinangunahan ni Sen. Win Gatchalian, napag-alaman na aabot na sa P7 bilyon ang nawalang pondo mula sa nasabing programa. 


Aba’y habang nagkakandakuba at nagkakautang-utang ang ating mga kababayan para mapag-aral ang kani-kanilang mga anak, kumikita naman ang mga walanghiyang kawatan sa kanilang katusuhan sa pagsasamantala sa pondo ng gobyerno.  


Sangkot ang ilang pinangalanang maliliit at hindi kilalang eskwelahan sa iba’t ibang probinsya na walang maipakitang dokumento para patunayan ang pagkakaroon ng mga inilistang mga estudyanteng tinustusan ng pamahalaan. 


Andami naman diyang mga pribadong paaralan na kilala at may track record kung saan maraming mag-aaral na nangangailangan din ng tulong mula sa gobyerno pero hayun at nasa listahan ng mga benepisyaryo ang mga hindi mo mawaring mga eskwelahan na tila itinayo at nanghatak lamang ng estudyante para makaraket sa E-GASTPE. 


Kasali sa listahan ang isang pribadong paaralan sa Candaba, Pampanga na diumano’y mayroong 4,600 na ghost students. Saksakan naman ng swerte ang paaralang ‘yan na napakaraming tinamasa galing sa pondo ng gobyerno, samantalang hindi naman nabigyan ni katiting na tulong ang mula sa ibang maayos na paaralang mas karapat-dapat. 


Karima-rimarim na may mga nakalista ring mag-aaral sa isang eskwelahan na sa iba palang paaralan o campus talaga naka-enrol. Sukdulan ang kakapalan ng mga pasimuno ng kalakarang ito. 


May mga benepisyaryong nakatala bilang enrolled daw, ngunit ni minsan ay hindi naman um-attend ng klase. Hindi rin sila kasama sa class record, samantalang pinondohan ng gobyerno. 


Nasa P239 milyon na ang kailangang i-refund ng iba’t ibang paaralan sa pamahalaan.


Kung paano umabot sa ganitong kalaki ay malinaw pa sa sikat ng araw na may nagbulag-bulagan at nagbingi-bingihan. Patay-malisyang walang kakonse-konsensya!


Halos 19,000 na undocumented na mag-aaral ang nakinabang sa voucher program ng E-GASTPE, ayon sa 2016 at 2018 na ulat ng Commission on Audit. 


Aba’y hindi lamang dapat repasuhin ang sistema ng programang ito, kundi dapat maparusahan ang mga gumawa ng ganitong kasalaulaan na malaking pagnanakaw sa pangarap ng bawat mahihirap na kabataang Pilipino, na nabigyan sana ng tulong ng pamahalaan.


Umaasa ang taumbayan na ang ilalabas na committee report ukol dito ay magiging basehan ng mangyayaring kasuhan sa mga garapal na mapagsamantala. Asintaduhin ang kapakanan ng mga kabataang mag-aaral!


 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


1 comment

1 Comment


joseoliveros1947
Mar 22

Nakakapag-init talaga ng ulo ngayong tag-araw pa namang malaman na bilyong peso ang nawawala at nalustay sa pera ng kabang bayan para sa libo-libong ghost students sa mga paaralang hindi kilala. Habang karamihan sa mga magulang ay tinitipid ang kaunti nilang kinikita para sa pang-araw araw na pangangailangan makapag-laan lamang ng kaukulang halaga para sa edukasyon ng kanilang mga anak, iyon pala naman ay may mga mapagsamantalang opisyal ng gobyerno, kasabwat ang opisyales ng ilang paaralan na ninanakaw ang pera ng gobyerno para sa GATSPE. Dito sa NCR, hindi makapag-taas ng suweldo ng mga guro ang maraming pribadong paaralan kasi hindi rin sila makapag-taas ng matrikula dahil magrereklamo na ang mga magulang ng kanilang estudyante. Maraming magulang tuloy ang napipil…

Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page