ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | February 3, 2021
Salaminin natin ang panaginip ni Stephanie na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Nais kong malaman kung ano ang ibig sabihin sinusuotan ng sapatos sa panaginip? Ganito ang nangyari, nakaupo ako at may lumapit sa akin, tapos isinuot niya sa akin ang sandals na kulay brown at itinali sa paa ko. Para siyang sandals na bukas sa bandang daliri at may tali.
Naghihintay,
Stephanie
Sa iyo, Stephanie,
Sa buhay ng tao, dumarating ang sandali na siya ay parang gusto nang huminto o huwag nang magpatuloy pa sa pagsisikap, kaya naman nais na niyang tumigil sa paghahanapbuhay. At minsan naman, siya ay parang pagod, sawa na at nawawalan ng sigla at pag-asa.
Ito ang dahilan kaya may vacation leave, day off o rest day kung saan ang tao ay tao lang na napapagod, nagsasawa at nababagot din.
Pero may mga tao na kahit pagod, sawa at bagot na bagot na, kailangan niyang
magpatuloy dahil sa iba’t ibang rason o dahilan, tulad ng mga sumusunod:
1. Hindi pa niya natutupad ang kanyang pangarap.
2. May umaasa sa kanya, maaaring ang kanyang mga magulang, kapatid at kadalasan ay ang kanyang mga anak. May mga pagkakataon pa nga na ang kanyang karelasyon o asawa ay magmumukhang kaawa-awa kapag ang nanaginip ay huminto na sa pagsisikap.
3. Minsan naman, ang pangit na sitwasyon sa place of work ang nagtutulak sa kanya para huminto na.
May iba pang dahilan, pero kapag bata pa naman ang isang tao, hindi papayag ang langit na huwag siyang magpatuloy. Sa ganitong katotohanan, sa iyong panaginip, ang nangyari nga ay lumitaw ang isang tao at isinuot sa iyo ang sandals na simbolo na kailangan mong magpatuloy.
Alam mo, iha, ang mahiwagang tao sa iyong panaginip ay walang iba kundi si Lord, siya ang may gusto na magpatuloy ka pa. Tatanggi ka ba? Siyempre, hindi!
Kaya anuman ang iyong sitwasyon ngayon sa buhay, huwag kang huminto at susuko. Sa halip, magpatuloy ka dahil si Lord mismo ang gagabay at papatnubay sa iyo, anuman ang iyong ginagawa at pinagkakaabalahan ngayon.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comentarios