ni Hannah Mikhaela Regio-Segovia - @What's In, Ka-Bulgar | May 24, 2022
Pinagsikapang magsaliksik,
Nagtiyagang pag-aralan ng tahimik,
Nagsuri ng mga resibo ng katotohanan,
Nang mga nagawang tunay na pinag-ukulan.
Tinanto kung talagang tama ba,
Itong pinili naming itakda,
Kaya kayang paunlarin o man lang ba’y baguhin
Ang bayang kay tagal nang sa kahirapan ay alipin?
Nanghikayat ng iba, pinakita ang mga patunay,
Baka sakali, baka sakaling hawak-kamay
Tayo’y tumindig at harapin ang pagbabagong
Maaring bumago sa buhay natin at sa susunod na henerasyon.
Ngunit sa kabila ng lahat, iba ang naging resulta.
Kadalasan pa’y nakakantyawan, minsan di’y naaalipusta,
Pinili’y batay sa nakasanayan, batay sa gusto ng karamihan,
Pinalagpas ang pagkakataong mas maayos na bayan ay matamasa.
Magkagayon may, masaya’t taos-pusong kami ay tumindig,
Para sa bansang ikinaloob ng Diyos nating iniibig,
Panatag na nagnilay batay sa tulong ng Maykapal,
Humakbang na may usal na dalangin para sa bayan kong mahal.
Tinatanggap ang resulta gaano man ito kasakit,
Sana lamang talaga, pareho tayo ng adhikain,
Adhikaing para sa bayan, hindi puro para sa sarili,
Nang mapanatag ang kaloobang sadlak ngayon sa pighati.
Sana, sana lamang talaga
Sana kami ay mali.
Comentarios