ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | October 15, 2022
Nagpalabas ng pahayag ang pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na isa umano sa mga nakikita nilang solusyon para maiwasan ang mga aksidente at matinding daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan ay ang paglalagay ng eksklusibong motorcycle lane.
Nang ihayag nila ang balaking ito ay walang kagatul-gatol na sinasabi ng MMDA na ito umano ang lumabas sa kanilang isinagawang konsultasyon upang makakuha ng consensus at action plan para maresolba ang matagal ng problema sa trapiko sa maraming bahagi ng National Capital Region (NCR).
Pero dahil sa muling pagbubukas ng face-to-face classes matapos ang pandemya, maging ang mga negosyo at ilan pang establisimyento ay lumabas sa pag-aaral na ang Manila ay pang-walo sa lahat ng siyudad sa buong mundo na may pinakamalalang sitwasyon ng trapiko.
Ito ang pinakahuling ulat na inilabas noong nakaraang buwan lamang ng United Kingdom-based insurance technology website na marahil ay nakadagdag pressure rin sa pamunuan ng MMDA para gawan na ng paraan ang sitwasyon ng trapiko sa bansa.
Plano umano ng MMDA na ipatupad ang eksklusibong motorcycle lane sa darating na Nobyembre at plano nilang unahin ang kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) at Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Ayon sa datos na inilabas ng MMDA, ang daily average ng sasakyan na dumaraan sa EDSA ay nasa 410,000 na lubhang napakalayo sa sitwasyon noong kasagsagan ng pandemya na halos walang dumadaan sa kalye at ngayon ay tila nagbalik na sa normal ang lahat.
Bilang Pinaka-unang Representante ng 1-Rider Party List ay sinusuportahan natin ang hakbanging ito ng MMDA dahil naiisip nila ang kaligtasan ng ating mga ‘kagulong’ at lalagyan na ng sariling daanan.
Matagal na kasing hinihiling ng ating mga ‘kagulong’ sa Metro Manila na maglaan ng motorcycle lane sa mga major roads kabilang na ang EDSA at Commonwealth Avenue upang matugunan na ang patuloy na pagtaas ng mga aksidente na kinasasangkutan ng motorsiklo.
Lumalabas na sa dinami-rami ng nagdaraang sasakyan sa kahabaan ng EDSA na may pagkakataong usad-pagong na ay nakadagdag sa pagbagal ang may 1.44 milyong motorsiklo na nakikipagsabayan ayon sa datos na inilabas ng Land Transportation Office (LTO).
Kaya dahil sa taas ng bilang ng nasasalimbayang motorsiklo ay pumasok na sa plano ng MMDA na maglagay ng eksklusibong lane para lamang sa mga nagmomotorsiklo na ang layunin ay para sa kaligtasan ng ating mga ‘kagulong’.
Base naman sa datos na inilabas ng Metro Manila Accident Recording and Analysis System ay nakapagtala ang MMDA noong 2021 ng mahigit sa 26,000 motorsiklo na nasangkot sa aksidente at tila tumataas pa ngayong 2022.
Ang MMDA Traffic Engineering Center naman ay nagpapakita na 44% ng 302,000 sasakyan na dumaraan sa Commonwealth ay pawang mga motorsiklo habang 38% ng 372,000 ng sasakyang bumabaybay sa EDSA ay mga motorsiklo rin.
Ang napansin ko lang, ang planong ito ng MMDA ay parang napanood ko na, kaya binalikan ko ang kanilang mga unang press release at doon ay nakita kong noong Enero 2019 pa ay ipinatupad na nila ang exclusive lane para sa mga motorsiklo.
Ang inilalabas nilang mga pahayag ngayon ay tila parehong-pareho lang ng mga pahayag nila noong taong 2019 at ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit hindi naging matagumpay ang unang pagpapatupad nito at maraming sasakyan na dinaraanan din ang motorcycle lane.
Sana sa pagkakataong ito ay pag-aralan ng mabuti, puliduhin ang sistema na hindi ningas-cogon para sa ikagiginhawa ng lahat.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments