ni Ronalyn Seminiano Reonico | June 17, 2021
Nagpositibo sa COVID-19 ang 49 construction workers sa Cebu City.
Ito ay kinumpirma ni Emergency Operations Center Deputy Chief Implementer Joel Garganera at aniya, ito ang unang pagkakataon sa Cebu na may naitalang maraming bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19 na nagtatrabaho sa iisang workplace.
Dinala na rin umano ang 49 workers sa isolation center sa Cebu City.
Aniya, napag-alaman na positibo sa COVID-19 ang mga manggagawa matapos isailalim sa swab testing ang mahigit 100 construction workers dahil mayroong isang nagpositibo sa antigen test noong nakaraang linggo. Kasalukuyan pa ring isinasagawa ang contact tracing at karamihan umano ng mga construction workers ay nakatira sa iisang bunkhouse.
Ayon kay Garganera, ang ilan sa mga nagpositibong manggagawa ay walang sintomas ng COVID at ang iba pa ay mayroong mild symptoms. Nanawagan din si Garganera sa lahat ng construction firms sa Cebu na paigtingin ang pagpapatupad ng health protocols sa mga manggagawa upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Comentários