top of page
Search
BULGAR

Sama-sama sa bahay dahil ECQ, tips para matigil ang pagtatalak ni nanay

ni Nympha Miano-Ang- @Life and Style | August 16, 2021




Mahal mo ang iyong Ina, pero ang kanyang pagtatalak ay nakaka-stress. Kay aga-aga pa lang ay nagbubunganga na siya kahit sabihin niyang “para sa inyo ring kapakanan ang sinasabi ko!” Para kasing nakaka-pressure ang sinasabi niya na gawin agad ang ganito at ganyang bagay, pero para sa iyo ay hindi naman gayung kadali ang lahat ng gusto niyang ipagawa.


Kapag nagtatalak siya parang gusto niya talagang obligado mo nang gawin ang gusto niya na kapag tumutol ka, tiyak na masasaktan naman siya, magtatampo at iiyak. Ang hirap ding sagkain ang kanyang pagtatalak dahil paulit-ulit. Ikaw naman ay bubulong-bulong na lang at sasabihing, “hayan, talak na naman nang talak si nanay.”


Nagtatalak siya ng paulit-ulit para mapasunod ka na wala siyang pakialam kung maririnig ka man niyang bubulung-bulong bilang pagtutol. Tapos ay makikita mo na lang ang sarili na suko na at susunod na lang dahil talak siya nang talak.


1. Iwasang makipagtalo sa Nanay. Tiyak na patuloy ka niyang tatalakan. Hindi ka kahit kailan mananalo sa pakikipagtalo sa kanya.


2. Isipin kung ano ba ang dahilan ng pagtatalak ng Ina. Marami siguro siyang concern. Baka nababahala siya at natatakot na wala siyang magagawa para matulungan ka. Maaaring takot siya na hindi napakinggan, naku, maniwala sa hindi, kaya paulit-ulit niya iyang sinasabi. Maaaring gusto ka niyang dominahin o kumbinsihin na hindi siya nawawala sa inyong buhay.


3. Iwasan ang mga bagay na nagiging dahilan para magtatalak siya.


4. Sabihan si Mommy, na pinakikinggan mo siya at narinig ang kanyang sinasabi, ina-appreciate ang mga ideya at minamahalaga ang kanyang sinasabi at may sarili kang desisyon sa iyong ginagawa.


5. Tanungin siya kung nais niyang marinig ang iyong desisyon na ginawa. Matatanggap marahil ng nanay ang iyong pagsisikap na lagi siyang importante sa iyo kaysa ang hindi siya kasali. At least mabawasan ang pag-aalala niya at pagtatalak.


6. Sabihin sa kanya na nagmamalalasakit ka. Samahan siyang maupo at pag-usapan kung ano ang kanyang ikinababahala, hindi tungkol sa mga bagay na iyong magagawa, pero ang hinggil sa bagay na kanyang ikinababahala. Sa malumanay na pag-uusap na ganito ay mababawasan kahit paano ang kanyang pagtatalak.


7. Muli sabihin sa kanya kung gaano siya kahalaga sa pag-impluwensiya at paghubog ng iyong buhay. Ito’y para hindi na siya magtatalak, marerelaks pa siya at hindi na niya siguro ipipilit na matensiyon pa.


8. Sabihin sa kanya nang mahinahon at matatag na may edad ka na at may isip na hindi habang panahon ay siya ang dumodomina ng iyong buhay, pero welcome pa rin naman sa iyo ang mga paalala niya nang paulit-ulit pero sa mahinahon nang paraan.


9. Tulungan siya na kung paano makipag-usap sa iyo nang hindi nagbubunganga. Maaaring gusto niyang bigyan ng instructions. Hindi mo siya basta mapapatigil, nanay mo siya. Pero magagawa mong masabi niya ang kanyang takot, pag-aalala at payo na mas madali mo sigurong mapakinggan.


10. Maging mapagpasensiya. Hindi naman agad mawawala ang pagbubunganga ng ina. Walang puwedeng makapigil sa kanya, bahagi kasi ng trabaho ng nanay ang magpaalala.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page