ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Dec. 20, 2024
Binabaybay ang siyudad ng tsuper ng isang pribadong sasakyan na maaaring mai-book gamit ang isang kilalang ride-hailing app. Gabi at bisperas ng Pasko habang nag-aabang siya ng pasaherong mangangailangan ng kanyang serbisyo. Malamang na ang maisasakay ay nakipagsalu-salo sa bahay ng kamag-anak o kaibigan at maghahabol na makauwi sa sariling tahanan bago sumapit ang hatinggabi.
Ngunit posibleng ang kanyang maiaangkas ay magpapahatid hindi pauwi mula sa isang kasiyahan o patungo sa pagpapakasasa kundi papasok sa hanapbuhay upang patuloy na manilbihan sa kapwa. Sa mahinahong pagbibiyahe ng naturang tsuper sa mga oras na iyon ay matatanaw din niya ang iba pang nasa kalagitnaan ng pagkayod sa panahong ito, ’di gaya ng nakararami na nakatutok muna sa paglilibang at pagpipiging.
Dala ng wagas na dahilan ng panahong ito, mapapansin niya ang ilang tauhan ng mga lugar na dasalan, na bukas para sa mga nais magpasalamat nang taimtim sa pagdating ng Mesiyas.
May magigisnan din siyang mga kaparis na tsuper pero ng taxi, pampublikong motor at kahit jeepney, na nagtitiyaga pa ring kumayod kahit limitado ang bilang ng mga pasahero.
Hindi siya magugulat ngunit tahimik na sasaludo sa mga nars, doktor at ilan pang kawani ng mga ospital, mga institusyong nungkang magbakasyon. Kasama nila ang may pasok na mga tagalinis, na walang humpay sa pagtitiyak na walang batik ang mga pader, sahig at kagamitan ng kanilang pinapasukan.
Sa pagdaan din ni manong tsuper sa ilang mga gusali ay makikita niya ang mga guwardiya o sekyu na nanunungkulan pa rin sa pagbabantay ng negosyo ng kanilang amo.
Mamamataan din niya ang mga pulis sa ilang presinto, na abala sa pagte-text o pag-i-scroll sa cellphone.
Nariyan din ang kanilang kapatid sa pagiging alisto: mga bumberong handa pa ring sumaklolo kung magkakaroon ng biglaang sakuna.
Mapapansin din ng nabanggit na tsuper ang mga empleyado ng mga pamilihan at restoran na hindi sarado kailanman, kahit tuwing tulog na ang karamihan.
Bukod sa mga iyon ay ang matiyagang mga tagapag-alaga sa mga tahanan o sa mga bahay ampunan para sa mga naulilang kabataan o inabandonang may-edad. Isama na rin ang mga kasambahay na marahil ay kinabukasan pa makakasama ang kanilang sariling kamag-anak at ang pansamantalang pinagsisilbihan ay hindi ang sariling pamilya.
Resulta ng patuloy na globalisasyon ang isa pang grupo ng manggagawang makikita ni manong drayber: ang mga nagmamando ng mga opisinang ang pagpapatakbo ay 24 oras araw-araw, gaya ng mga call center o business process outsourcing (BPO) na mga kumpanya, na mga orasan at kultura ng ibang bansa ang sinusunod at hindi ang sa sariling bayan.
Kung magagawi sa may paliparan ay matatanaw din niya ang patuloy na naka-duty rito, lalo na upang manilbihan para sa dagsa ng magsisipag-uwi galing sa ibayong dagat, gaya ng mga OFW na sabik na makapiling ang mga mahal sa buhay na matagal nang sa kanilang napawalay.
At hindi man niya mamumukhaan ang mga ito pero masisilip din niya ang mga nakaantabay na mga tagapagbalita, taga-ulat man o taga-litrato, para sa pagkakataong may kailangang ibalita’t ibulgar kahit sa mga oras na ito na abala ang karamihan sa selebrasyon.
Silang lahat ay ilan lamang sa mga dakilang nagtatrabaho sa panahong ginugunita ang pagsilang ng Dakilang Manunubos.
Maaari silang huminto ng kahit ilang sandali pagkagat ng alas-dose upang makapiling nang kahit virtual ang mga kadugo at mabati sila ng maalab na “Maligayang Pasko!” Ngunit pagkalipas lamang ng ilang sandali, sila’y manunumbalik agad sa pagkayod.
Magkakaramay sila sa paghahanapbuhay kung kailan nakabakasyon ang puso’t diwa ng nakararami, at nagpapasalamat pa rin sa sabay na pagkakataong kumita at makatulong sa kapwa habang ginagampanan ang kani-kanilang tungkulin. Ganito sila magdiwang ng Kapaskuhan, na ang mga gawain at galaw ay mistulang dalisay na pagbati ng
“Buenas noches” kahit ang mas masarap sana ay ang pakikipag-Noche Buena.
Sila ang patunay na ang pagbubunyi sa pagdating ni Hesus ay may maraming kaparaanan na ang pagkakahalintulad ay ang layuning makapagsilbi o makatulong sa iba, kahit sa hindi kakilala.
Kaya’t sa mga darating na araw hanggang sa paparating na Miyerkules, asintaduhin natin ang taos-pusong pagdiriwang ng Kapaskuhan — nasaan man tayo at anuman ang ating gagawin. Gawin ito na puno ng pasasalamat sa anumang mayroon tayo at iwaksi sa isip at damdamin ang kung anuman ang wala sa atin.
Maligayang Pasko sa inyo at sa inyong mga mahal sa buhay, mga giliw na mambabasa!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments