top of page
Search
BULGAR

Salu-salungatin ang testimonya, 'di kinagat ng Court of Appeals

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | July 27, 2024


Ang pagkakaroon ng baril, armas at bala ng mga pribadong indibidwal ay isa lamang pribilehiyo. Kung kaya ay kinakailangan na mayroong kaukulang lisensiya at permit ang sinumang nais magkaroon, magdala o gumamit ng mga ito. 


Gayunman, hindi porke mayroong karapatan o kakayahan ang mga kapulisan na basta na lamang maghanap o maghalughog sa kaninumang tahanan o sa sinumang mamamayan. Kung makita ng hukuman na may pagmamalabis ang kapulisan, hindi nito kailanman bibigyan ng halaga ang anumang ebidensiya na nakuha sa maling pamamaraan. Pangunahing isusulong ng ating hukuman ang mabigyan ng patas na paglilitis ang bawat inakusahan at masiguro na maprotektahan ang kanilang karapatan at kalayaan.


Ang kaso na hinawakan ng aming Tanggapan, ang People of the Philippines vs. Joel Ramos y Layda (CA-G.R. CR No. 47662, March 13, 2024), ay aming ibabahagi sa araw na ito sapagkat naniniwala kami na ito ay magandang halimbawa ng aming nasambit sa itaas. Kapupulutan din ito ng aral at pag-asa, lalo na ng mga dumadaing dahil sa kanilang sinapit na kawalan ng katarungan. 


Kasong paglabag sa Section 28 (e) ng Republic Act (R.A.) No. 10591, o mas kilala bilang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” ang kinaharap ni Joel. 


Batay sa paratang na inihain sa hukuman, nakuha diumano noong Agosto 24, 2018 sa kustodiya ni Joel ang 4 na bala ng 12-gauge shotgun, 5 bala ng caliber 9mm at 1 loose caliber 38 na may laman na 5 na bala, gayung siya ay wala umanong lisensiya o permit para sa mga ito.


Batay sa bersyon ng tagausig, mayroon umanong search warrant na ipinalabas ang hukuman na nagbigay awtoridad sa mga pulis upang maghanap sa bahay ni Joel ng isang 9mm Pistol, isang caliber .45 Pistol, isang caliber 38 Pistol, isang 12-gauge shotgun at iba’t-iba pang mga klase ng bala na magagamit para sa mga nabanggit na armas. Nang ipatupad diumano ang warrant, nakalap ang mga sumusunod na ebidensya: isang caliber 38 na mayroong markang Sandakan Borned USA, 5 na bala para sa caliber 38, 5 na bala para sa caliber 9mm, 4 na bala para sa 12-gauge shotgun, 1 sling bag at maliit na pouch.


Ayon sa testimonya ng saksi ng tagausig na si PO1 Cuentes, nagkaroon diumano sila ng briefing alas-5:00 ng umaga noong Agosto 24, 2018 na pinangunahan ng kanilang Deputy Chief. Doon lamang umano niya nakita ang naturang warrant at siya umano ang naatasan na magsilbing searcher. Alas-5:50 ng umaga, dumating umano ang kanilang pangkat sa bahay ni Joel kasama sina Barangay Kagawad Velasco at Parzan, ipinaalam ang tungkol sa nasabing warrant at naghanap na sa bahay ng akusado. Matapos umano nilang makalap ang mga ebidensiya, agad silang nagsagawa ng pag-iimbentaryo at paglilitrato sa bahay ni Joel. Siya umano ang nagmarka sa mga nakalap na ebidensiya at kumilala sa mga ito sa hukuman. Ayon kay PO1 Cuentes, tinanong  ng kanyang kasamahan na si PO2 Antimano, Jr., si Joel kung mayroon itong lisensiya para sa mga nakalap na gamit, subalit wala umano itong naipakita. Kung kaya ay inaresto umano ni PO2 Antimano, Jr., si Joel, binasahan ng kanyang karapatan at dinala sa himpilan ng pulis. 


Sa kanyang cross-examination, sinabi ni PO1 Cuentes na siya umano ang nakakita sa bag na inilagay niya sa kanang bahagi ng telebisyon na nasa ibabaw ng mesa.


Batay naman sa testimonya ni PCpl. Antimano, Jr., siya umano ang naghanap sa silid sa bahay ni Joel, subalit hindi niya nabanggit kung saang palapag ito, habang si PO1 Cuentes ang naghanap sa sala. Narinig niya umano ang sigaw ng naturang kasamahan na mayroon itong nakita. Dali-dali umano siyang nagtungo sa sala kung saan niya nakita ang isang armas. At nang hindi umano makapagpakita ng lisensiya si Joel, inaresto na niya ito. 


Sa kanyang cross-examination, sinabi ni PCpl. Antimano, Jr., na sa silid sa unang palapag umano sila naghanap ng kasama niyang kagawad habang si Joel ay nasa sala. Dahil nasa loob umano siya ng silid nang marinig ang nasabing sigaw, hindi niya tiyak kung saan nakita ng kanyang kasamahan ang mga nakalap na gamit.


Tumestigo rin para sa tagausig si PSMS. Santiago. Batay sa kanyang cross-examination, alas-6:10 ng umaga noong araw na nabanggit nang magsimula ang paghahanap ng mga armas at bala. 


Si Joel, kasama ang kanyang asawa at mga anak nito na umuukupa sa bahay ay pinalabas diumano ng mga pulis.


Batay naman sa testimonya ni Kagawad Parzan, mayroon diumanong dalawang pulis na nagpunta sa kanyang bahay upang magpatulong na maipatupad ang warrant. Siya at si Kagawad Velasco umano ang sumama sa bahay ni Joel. Nakita niya umano na mayroon nang 9 na pulis noong sila ay nakarating sa bahay ni Joel. 


Si Kagawad Velasco umano ang kumapkap sa 2 pulis bago pumasok ang mga ito sa bahay at wala umanong nakuha mula sa kanila. 


Aniya, hindi niya maalala ang pangalan ng pulis na sinamahan niya mula sa sala hanggang sa silid sa ikalawang palapag ng bahay. Wala umanong nakita sa nasabing silid, ngunit narinig niya na sumigaw umano si Joel ng, “Bakit may bag dito?” Agad umano silang bumaba at nakita niya ang mga pulis na binuksan ang isang bag na naglalaman ng caliber 38 at mga bala. 


Sa kanyang cross-examination, sinabi ni Kagawad Parzan na siya at ang 2 pulis ay unang nagpunta sa sala at wala siyang nakitang bag malapit sa telebisyon. Matapos ay nagpunta umano sila sa ikalawang palapag ng bahay, habang si Kagawad Velasco at ang pulis na kasama nito ay nagpunta sa silid sa unang palapag. Nang marinig ang sigaw na “Bakit may bag dito?”, dali-dali umano silang bumaba at nakita nilang binubuksan ng mga pulis ang isang bag.


Sa testimonya naman ni Kagawad Velasco, sinabi umano nito na dalawang silid ang kanilang pinuntahan ng kasama niyang pulis at wala silang nakitang iligal na bagay. Narinig niya na sumigaw si Joel at nakita itong nasa labas umano ng silid, malapit sa pintuan. Nakita niya rin na kinuha umano ng pulis ang bag at inilagay ito sa ibabaw ng mesa. Isang caliber 38 at mga bala umano ang laman ng naturang bag.


“Not Guilty” naman ang naging pagsumamo ni Joel sa hukuman. Batay sa kanyang testimonya,  alas-6:00 ng umaga noong Agosto 24, 2018, siya at ang kanyang 9-anyos na anak ay natutulog sa kanilang bahay nang siya ay magising dahil sa sigaw ng ilang tao na pinabubuksan ang kanilang pintuan. Nang buksan niya ito, nakita niya umano ang mahigit-kumulang 14 na pulis at inihain sa kanya ang warrant. Halos 10 minuto pa umano ang nakalipas bago dumating sina Kagawad Parzan at Velasco. Siya, ang 2 pulis at 2 kagawad diumano ang pumasok sa bahay habang natutulog ang kanyang anak sa sala. Taliwas umano sa testimonya ng saksi ng tagausig, dalawa ang silid sa unang palapag ng kanilang bahay at dalawa ang silid sa ikalawang palapag. Habang naghahanap umano ang mga pulis sa mga silid sa unang palapag, siya ay nasa silid na malapit sa sala. Ngunit sinabihan diumano siya ng isang pulis na pansamantalang lumabas, kung kaya ay nagpunta siya sa garahe. Makalipas ang 5 minuto, pinapasok na umano siya at doon niya napansin na mayroong bag sa likod ng telebisyon sa kanilang sala na siyang tinanong niya sa mga pulis. 


Noong puntong iyon diumano ay nasa isang silid ang isang pulis at isang kagawad, habang ang isa pang pulis at kagawad ay nasa ikalawang palapag.


Ipinaliwanag ni Joel ang larawan [Exhibit K-4] kung saan mayroong makikitang mesa. Sa likod diumano ng kurtina na malapit sa mesa ay isang bintana. Nilapitan umano siya ng mga pulis at ininspeksiyon ang nakitang bag. Nakita umano dito ang baril, bala at dalawang sachet ng droga. Matapos ay sinampahan na umano siya ng reklamo na mariin naman niyang itinanggi ang mga paratang sa kanya.


Nahatulan na may-sala si Joel ng Regional Trial Court. Hindi naman siya nag-atubili na maghain ng kanyang apela sa Court of Appeals (CA) upang igiit ang iregularidad sa nabanggit na search warrant at sa implementasyon nito.


Sa muling pag-aaral sa kaso ni Joel, binusising maigi ng CA ang bawat testimonya ng mga saksi. Napuna ng appellate court ang pagkakaiba umano ng mga testimonya patungkol sa pagkakatuklas ng bag sa sala ng bahay ni Joel na naglalaman ng mga ebidensiya na ginamit laban sa kanya. 


Ayon kay Kagawad Parzan, wala umano siyang nakitang bag sa sala noong sila ay nagpunta roon. 


Ayon naman sa testimonya ni PO1 Cuentes, siya umano ang nakakita ng naturang bag. 

Sa testimonya ni PCpl. Antimano, Jr., sinabi nito na narinig niya umano ang sigaw ni PO1 Cuentes nang makita nito ang bag. 


Subalit ayon kina Kagawad Parzan at Velasco, si Joel umano ang narinig nila na sumigaw nang nakita ang naturang bag at nagtanong ukol dito. 


Ang kapuna-punang pagkakasalungat ng mga naturang testimonya ay hindi umano maisasantabi ng CA. Sadyang nagdulot umano ng makatuwirang pagdududa sa isip ng appellate court ang hindi pagkakatugma-tugma ng mga testimonya ng mga saksi gayung magkakatambalan sila na naghanap sa sala, ikalawang palapag at sa unang palapag ng naturang bahay. 


Ipinaalala ng CA, sa panulat ni Honorable Associate Justice Eduardo B. Peralta, Jr. ng 10th Division:


“While it is true that, ‘slight inconsistencies in the declarations of witnesses hardly weaken the probative value of the witnesses' open court testimony,’ the inconsistencies in this case goes to the very source of the incriminating evidence or the core foundation upon which the prosecution rests its case. The discrepancy as to how the pieces of evidence were discovered engendered doubt as to the legality of the implementation of the search warrant.”


Sapagkat ang hayag na pagkakaiba ng testimonya ng mga saksi ng tagausig ay tumutukoy sa mismong pinagmulan ng ebidensiya na ginamit laban sa nasasakdal, nabigo ito na patunayan ang pagkakasala ni Joel nang mayroong moral na katiyakan. Kung kaya ay pagpapawalang-sala ang iginawad ng CA kay Joel. 


Ang nasabing desisyon ay naging final and executory noong Marso 13, 2024.


Hindi maikakaila na ang kawalan ng isang pribadong indibidwal ng kaukulang otoridad na magkaroon ng armas at bala, legal na pahintulot o lisensiya ay maaaring magbunga ng legal na kapahamakan sa kanya. Subalit, maakusahan man siya, may karapatan pa rin siyang makamit ang hustisya at katarungan. Nais din naming ipaalala na ang kaso ay hindi dapat magsilbing katapusan ng kapalaran ng bawat naaakusahan. Ang hukuman natin ay hindi magsasawang aralin ang pahayag ng bawat partido, maging ang kanilang daing at pagsusumamo. Higit pa rito, may awa ang Maykapal. Hindi siya natutulog, at Kanyang naririnig ang bawat dasal.


Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page