ni Janiz Navida @Showbiz Special | Oct. 23, 2024
Photo: MMFF 2024 / Instagram
Nakakatuwa naman na bago pa man magbalik-pulitika si Star for All Seasons Vilma Santos ay nakagawa muna ito ng pelikula na take note, pasok pa sa Metro Manila Film Festival 2024 sa December.
Yes, in-announce na nga kahapon ng pamunuan ng Metro Manila Development Authority o MMDA ang natitirang limang entries na pasok sa gaganaping taunang film festival sa December at isa nga ang Uninvited nina Ate Vi at Aga Muhlach kasama ang magaling ding aktres na si Nadine Lustre sa 10 official entries.
Maging ang Mentorque Productions producer na si Sir Bryan Dy ay tuwang-tuwa sa pagkakapasok ng Uninvited sa MMFF 2024 dahil pagbubuking nga niya sa amin nang makapanayam namin siya kahapon sa announcement ng MMDA, dream project pala ni Ate Vi ang Uninvited at istorya raw talaga ito ng aktres. Meaning, siya ang nag-suggest ng kuwento na ididirek nina Dan Villegas, Antoinette Jadaone at Irene Villamor.
Samantala, bukod sa Uninvited, tuwang-tuwa rin ang Nathan Studios producer na si Ms. Sylvia Sanchez dahil pumasok din sa natitirang 5 entries ang Topakk na pinagbibidahan ng anak niyang si Arjo Atayde at ni Julia Montes.
Napanood namin ang trailer ng Topakk at ngayon pa lang, excited na kaming mapanood ito tulad din ng excitement naming mapanood ang Uninvited nina Ate Vi,
Aga at Nadine na trailer pa lang din, magkakainteres ka na talagang panoorin.
Ang tatlo pang pelikulang masuwerteng pumasok sa 10 official entries ng MMFF 2024 ay ang My Future You na pagbibidahan ng young love team nina Francine Diaz at Seth Fedelin mula sa Regal Films; Hold Me Close nina Julia Barretto at Carlo Aquino mula naman sa Viva Communications, Inc.; at Espantaho nina Judy Ann Santos at Ms. Lorna Tolentino.
Una nang nai-announce few months ago ng MMDA sa pamumuno ni Chairman Romando Artes at ng MMFF Committee kung saan kabilang din si Ms. Boots Anson-Rodrigo ang first 5 official entries.
Kabilang naman dito ang And The Breadwinner Is na pinagbibidahan ni Vice Ganda; Green Bones nina Dennis Trillo at Ruru Madrid; Himala, Isang Musikal na pagbibidahan nina David Ezra, Victor Robinson, Aicelle Santos & Bituin Escalante; Strange Frequencies: Haunted Hospital tampok sina Enrique Gil, Rob Gomez, Jane De Leon, Alexa Miro & MJ Lastimosa; at The Kingdom na first time pagsasamahan nina Bossing Vic Sotto at Dingdong Dantes kasama sina Sue Ramirez at Cristine Reyes.
Kasabay ng ginanap na announcement kahapon, ini-reveal na rin ng MMFF Committe ang design ng trophy na ginawa ng renowned Filipino artist na si Jefre.
Ang ganda at ang sosyal ng trophy na bagay na bagay sa 50th anniversary ng MMFF.
Ngayon pa lang, tiyak na hindi lang ang manonood ang excited sa magiging salpukan ng mga big stars sa box office sa upcoming MMFF 2024 sa December, kundi maging ang mga artistang tampok sa bawat pelikula, tiyak na excited na rin sa gagawing parada, promotion at awards night, lalo’t very remarkable nga sa kani-kanilang career ang mapasama sa 50th year ng Metro Manila Film Festival, lalo na kung mag-uuwi pa sila ng trophy.
Sylvia, no choice kahit gustung-gusto nang i-post… RIA AT ZANJOE, AYAW ILANTAD ANG MUKHA NG ANAK SA SOCMED
SPEAKING of Ms. Sylvia Sanchez, bago namin ito nakita kahapon sa announcement ng MMFF second batch of entries, nakapanayam din namin ito sa last mediacon para sa upcoming concert ni JK Labajo na Juan Karlos Live na gaganapin sa Nov. 29 sa Mall of Asia Arena.
Ang Nathan Studios kasi na pag-aari ng pamilya Atayde ang producer ng first major concert ni JK Labajo.
Nakumusta kay Ibyang ang kanyang pagiging lola for the first time at siyempre, tuwang-tuwa ito at excited na nagkuwento tungkol sa kanyang unang apo kina Ria Atayde at Zanjoe Marudo.
Enjoy na enjoy nga si Ibyang sa pagsa-shopping at pag-i-spoil sa kanyang apo na aniya, kamukha ni Zanjoe pero kakulay ni Arjo na tisoy.
‘Yun lang, hindi pa niya maipakita sa publiko ang mukha ng apo kahit pa kating-kati na raw siyang ipagmalaki ito dahil inirerespeto niya ang kagustuhan ng mag-asawang Ria at Zanjoe na ‘wag munang ipakita ang mukha ng anak sa social media.
Kaya fake raw ‘yung picture ng batang kumalat sa socmed na sinasabing anak nina Zanjoe at Ria.
Anyway, natanong din si Ms. Sylvia kung totoo bang dapat ay tatakbo siyang konsehal sa Kyusi tulad ng napabalita pero hindi nga natuloy.
Pag-amin niya, marami talaga ang nag-alok sa kanya, pero aminado naman siyang wala pa siyang alam sa batas ngayon, kaya ayaw naman niyang basta na lang pumasok sa pulitika.
Bukod diyan, ang dami rin niyang inaasikaso tulad nga ng mga projects ng Nathan Studios na producer ng Topakk na isa nga sa mga official entries sa MMFF 2024.
Nae-enjoy din daw niya ang pag-aalaga sa kanyang apo, kaya wala raw talaga sa isip niya ngayon ang pagpasok sa pulitika at ipinaubaya na niya ito kay Konsehal Arjo Atayde at sa kanyang manugang na si Zanjoe na tatakbong ASAP Partylist representative.
Comments