top of page
Search

Sale sa mga malls, puwede na!

BULGAR

ni Lolet Abania | October 17, 2020



Pinapayagan na ang mga establisimyento at malls na magsagawa ng sale at marketing events para magbigay-sigla sa mga mamimili sa kabila ng pandemya ng COVID-19, ayon sa Malacañang.


Ito ang nabuong desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Infectious Diseases (IATF) matapos ang naganap na pag-uusap kahapon para makatulong sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.


“Ang mga establishments at mga malls na may hold activities para magkaroon ng economic o business activity, ito po ‘yung mga sales, pero subject po ito sa DTI (Department of Trade and Industry) guidelines in the operation of malls and shopping malls,” sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa Laging Handa briefing kanina.


Matatandaang ipinagbawal ng gobyerno ang ginagawang events at promotions sa mga malls kung saan nagkakaroon ng mass gatherings at maraming nagtitipong tao para maiwasan ang pagkalat ng Coronavirus.


“Well, alam ninyo po, pagpasok ng ‘ber’ months, ito po traditionally ang pinakamalakas pagdating po sa retail,” sabi ni Roque.


“Inaasahan po natin na nagbubukas tayo nang sapat para magkaroon po ng maximum opportunity ang merkado na makabawi doon sa napakalalim pong pagbaba ng ating ekonomiya.”


Ayon pa kay Roque, binigyan din ng IATF ng awtorisasyon ang DTI na isaayos ang mga papayagang bilang ng kapasidad sa mga establisimyento at negosyo na nag-o-operate na sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

0 comments

Kommentarer


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page