@Buti na lang may SSS |October 15, 2023
Dear SSS,
Magandang araw! Ako ay isang stock clerk ng isang department store. Nais ko sanang malaman kung puwede na akong mag-loan sa SSS. At ano ang kailangan kong gawin? Salamat. — Charles
Mabuting araw sa iyo, Charles!
Hindi mo nabanggit ang iyong SS number upang i-verify namin kung kuwalipikado kang mag-apply sa Salary Loan Program ng SSS.
Ang salary loan ang isa sa pinakasikat na programa sa pautang ng SSS at maraming miyembro ang ginagamit ito upang matugunan ang kanilang mga panandaliang pangangailangang pampinansyal.
Upang makahiram ka sa programang ito, ikaw ay dapat nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 na buwanang kontribusyon o tatlong taon kung saan ang anim na kontribusyon ay naihulog sa loob ng huling 12 buwan bago ang buwan ng pagpa-file mo ng loan application.
Ang halaga naman ng maaari mong mahiram sa SSS ay nakabatay sa monthly salary credit (MSC) o ang salary level ng iyong buwanang kita. Samantala, ang MSC naman ang batayan ng computation ng lahat ng mga benepisyo at loan sa SSS.
Charles, kung ikaw ay mayroong 36 hanggang 71 monthly contributions, ang halaga ng maaari mong hiramin sa SSS ay katumbas ng average MSC o ang average ng MSC ng huling 12 hulog mo sa SSS. Halimbawa, kumikita ka ng P19,200 kada buwan. Ang halagang ito ay sakop ng P19,000 na MSC. Kung kaya, P19,000 ang katumbas na loanable amount na maaari mong makuha para sa one-month salary loan.
Samantala, kung ikaw ay nakapaghulog ng 72 buwanang kontribusyon at higit pa rito, ang matatanggap mong loan amount ay katumbas sa two-month salary loan o doble ng iyong average MSC. Kung pagbabatayan natin ang iyong kita, P38,000 ang iyong loanable amount o doble ng P19,000 na kasalukuyan mong MSC.
Sa kasalukuyan, ang maximum loanable amount naman para sa salary loan ay hanggang P40,000 lamang.
Maaaring bayaran ang utang sa loob ng 24 na buwan o dalawang taon. Ito ay may interes na 10% bawat taon batay sa diminishing balance o natitirang balanse ng utang at ibabawas din sa utang ang kaukulang 1% na service fee.
Charles, online na rin ang pagpa-file ng salary loan application sa pamamagitan ng My.SSS Portal na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph. Kinakailangan lamang na ikaw ay rehistrado at mayroong kang My.SSS account gayundin ang enrolled bank/savings account sa Disbursement Account Enrolment Module (DAEM) na makikita rin sa SSS website. Dagdag dito, sa iyong rehistradong bank account i-credit ng SSS ang iyong salary loan na mas mabilis mo namang matatanggap.
***
Bukas pa rin ang Calamity Assistance Package (CAP) para sa mga miyembro at pensyonado na nasalanta ng Southwest Monsoon at Tropical Cyclone (TC) Egay. Tatanggap ng aplikasyon para sa CAP hanggang Nobyembre 14, 2023. Ito ay binubuo ng Calamity Loan Assistance Program (CLAP) para sa SSS members at ang Three-month advance pension para sa lahat ng SSS at Employee’s Compensation (EC) pensioners.
Ang CAP ay magbibigay ng tulong pinansyal sa mga miyembro at pensyonado sa mga lalawigan ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, Pampanga, Cagayan, Bataan, Cavite, Abra, at Mountain Province; mga bayan ng Luna at Bangar sa La Union, Mangatarem at Santa Barbara sa Pangasinan, Paombong at Pulilan sa Bulacan, Camiling sa Tarlac, at Sablayan sa Occidental Mindoro; at sa Lungsod ng Dagupan.
***
Patuloy pa ring tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (ConsoLoan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng ConsoLoan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.
Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.
Comments