top of page
Search
BULGAR

Salamat, Salamat sa Musika...

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 9, 2024


Asintado ni Judith Sto. Domingo

May apat na dekada na nang unang makarating sa mga tainga ng madla ang awiting “Salamat, Salamat… Musika!” 


Payak ang unang tunog ng orihinal na obrang iyon ng batikang kompositor at musikerong si Gary Granada, na pinasigla ng areglo ng beteranong musical at vocal arranger na si Danny Tan, at unang kinanta ng noo’y namamayagpag na komedyanteng si Nanette Inventor. Isinali nila iyon noong 1984 sa ika-pitong Metro Manila Popular Music Festival, at naging kampeon ang kanilang koponan sa professional category ng Metropop ng taong iyon. 


Paminsan-minsan ay maririnig pa rin ang naturang kanta sa espesyal na mga palabas kung saan nagsasanib-puwersa ang iba’t ibang bokalista, o kaya’y sa solong mga interpretasyon, gaya noong 2011 ni Lea Salonga o ng dalaginding na si Esang De Torres sa The Voice Kids noong 2015. 


Naaalala natin ang awiting ito dahil sa kahit anumang sitwasyon, sa hirap o ginhawa, sa lamig o init ng panahon, nariyan ang musika. Sa tinagal-tagal ng popular na musika sa ating kasaysayan, hindi mabibilang ang dami ng awiting maaaring mapakinggan sa bawat sandali, sariling atin man o gawa ng banyagang talento. Napakalawak ng katalogo ng musika at sari-sari pa ang mapagpipiliang kategorya, mula sa engrandeng klasikal, suwabe o mahinahon na jazz, maingay na rock o ang mas maingay at matulin pang mga ka-uri nito, o kaya’y nakapapaindak o nakalulumbay na pop songs. At bukod sa naglipanang mga awitin ukol sa pag-ibig, halos lahat ng bagay sa mundo ay naging tema na ng kanta, na tila ba may angkop na awit para kanino man o para sa anumang pinagdaraanan o nararanasan.


Kung kaya’t napapakanta tayo nang ‘di oras, nasa tono man o wala, naliligo man o hindi. Nitong mga nakaraang dekada, lalo pang nakumpirma ng siyensiya ang natumbok na noon pa ng katha ni Ginoong Granada: na mabuti para sa tao ang musika dala ng maraming naidudulot nito sa ating pagkatao. Samu’t sari nga naman ang kagandahang naihahandog ng kahit pakikinig lamang ng musika sa ating bawat araw, kabilang ang pagpabawas ng konsumisyon, pagpapanatili ng kalusugan ng puso, pagpapalakas ng ating resistensiya mula sa sakit o immunity, pagpapasigla ng ating utak at pagpapabuti ng ating memorya.


Kaya mainam din na tayo’y may paboritong mga awitin, na posibleng paulit-ulit na nating pinakikinggan na tila upang sariwain ang kasiyahang naidulot nito sa unang dinig at sa tuwinang kailangan ng pampakalma, pampagana o kakampi sa mga panahon ng pagsubok o pag-iisa. 


Tuloy, maaari ring maituring na kaibigan ang ating mga piling awitin o ang mismong konsepto ng musika. Na sa oras ng labis na kagipitan, karamdaman o kalungkutan, maaaring maging angkla ang musika para unti-unting makaahon at makabangon. Tuwing walang magandang dahilan para ngumiti o walang kakayanang magtiwala sa sarili, ang pakikinig sa paboritong himig ay tila nakakapagpagaan at nakakapagduyan ng ating diwa at damdamin.


Ang isa pang kabutihang dulot ng musika ay ang pagpukaw ng ating likas na pagkamalikhain, ng pagnanasang makagawa rin ng sariling awitin.


Kung ikaw, giliw na mambabasa, ay may ganitong pananabik at nag-iisip na kumatha ng anumang uri ng musika o awitin pero nag-aalinlangan, huwag mag-atubili. Kahit hinihila pababa ng iba o ng sarili sa pagdududa sa kakayanan, unti-unting simulan, subukan at pagsikapan. Kung ano man ang kahahantungan ng iyong layunin sa larangan ng musika, o kahit sa ibang tipo ng malikhaing gawain, ang mahalaga ay ang paglalakas-loob na marating ang pinapangarap. 


Sa bandang huli, mas mabuti ang sumubok kahit hindi umubra kaysa sa hindi pagtangka at habambuhay na panghihinayang at pagsisisi


 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page