ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Sep. 20, 2024
Naging matagumpay ang isinagawa nating bloodletting na tinawag nating ‘Dugong Alay, Pandugtong Buhay’ na ginanap sa Amoranto Sport Complex at dinaluhan ng maraming taga-Quezon City kabilang na si Mayor Joy Belmonte at ng kanilang mga lokal na opisyales.
Taun-taon nating pinangungunahan ang paghahandog ng dugo bilang bahagi ng ating kaarawan tuwing ika-25 ng Setyembre upang makaipon ng maraming dugo at tuloy ay makatulong sa mga kababayan nating nangangailangan nito sa oras ng kagipitan.
Tulad ng dati ay nakipagtulungan ang Chinese General Hospital and Medical Center at Lung Center of the Philippines na silang nanguna sa pagkuha ng dugo sa mga donor.
Nais din nating pasalamatan ang mga regular na nagbigay ng dugo gaya ng mga grupong Alpha Phi Omega, Agimat Riders, AFP, Phil. Marines, Phil. Navy, Phil. Air Force, BFP, BJMP at PNP.
Ilang ulit na nating napatunayan na malaking tulong ang may ipon tayong dugo dahil sa maraming pagkakataon ay naisasalba natin sa tiyak na kamatayan ang ating mga kababayan na walang makuhang dugo.
Naging panata ko na taun-taon na bahagi ng aking kaarawan ang magsagawa ng bloodletting dahil naranasan ko ang kahalagahan nito lalo pa’t palagi tayong nakadalo sa pangangailangan ng marami nating kababayan.
Noong isang araw, bago naganap ang bloodletting ay binisita rin natin ang mga kababayan natin sa Brgy. Batasan Hills sa Quezon City upang alalayan naman sila at doon ay namahagi tayo ng cash assistance sa pamamagitan ng Assistance for Individual in Crisis Situation (AICS) kung saan tumanggap ng tig-P2,000 ang bawat dumalo.
Bago kami nagtungo sa Amoranto Sports Complex ay namahagi rin kami ng ayuda at nakakataba ng puso dahil mismong si Mayor Joy ay naroon din sa ating pagdiriwang.
Nagbigay tayo ng maikling pananalita at ramdam na ramdam natin ang mainit na pagtanggap ng mga taga-QC. Nais ko ring pasalamatan si Mayor Belmonte nang isigaw niya sa mikropono ang katagang, “Pangako, number one ka (Sen. Bong) sa amin sa Quezon City,” kasunod ng napakahabang palakpakan.
Kaya labis ang aking pasasalamat sa butihing mayor ng QC, habang may ngiti akong natulog dahil sa binitawan niyang salita.
Kahapon naman, alas-6:15 ng umaga ay lumipad kami patungo sa Tacloban, Southern Leyte, Borongan at Calbayog.
Ganap na alas-7:30 ng umaga ay lumapag kami sa Tacloban City airport at alas-8:00 ng umaga ay nasa People’s Center sa Tacloban City at kasama na si Mayor Alfred Romualdez at namahagi ng P4M cash assistance sa pamamagitan din ng AICS kung saan tumanggap ng tig-P2,000 bawat residente na dumalo.
Bandang alas-9:30 ng umaga ay nagtungo naman tayo sa Provincial Capitol Gymnasium sa Southern Leyte, Maasin City at doon ay nakasama natin sina Gov. Damian Mercado, Cong. Roger Mercado & Mayor Nino Mercado at namahagi tayo ng panibagong P4M cash assistance at nabahaginan din ng tig-P2,000 bawat residenteng dumalo.
Alas-10:30 ng umaga ay dumiretso kami sa Borongan airport at bumiyahe patungong Eastern Samar, Borongan at doon ay inalalayan kami ni Gov. Ben Evardone, at sa ikatlong pagkakataon ay namahagi kami ng panibagong P4M at nakatanggap din ng tig-P2,000 bawat isa.
Alas-12 ng tanghali ay saglit kaming kumain sa conference hall ng Provincial Capitol ng Borongan City kasama pa rin si Gov. Evardone.
Mga ala-1 ng hapon habang nagpapababa kami ng kinain ay dumalo kami sa groundbreaking ng Medical Arts Bldg. sa Eastern Samar Provincial Hospital kung saan sisimulan na ang proyekto nating ospital.
Ala-1:30 ng hapon ay bumiyahe kami at halos kalahating oras lamang ay nasa Western Samar, Calbayog City at nakasama namin doon si Gov. Sharee Ann Tan.
Mahigit sa 2,000 katao ang inabutan naming naghihintay sa Calbayog Sports Center at muli ay namahagi tayo ng karagdagang P4M sa pamamagitan ng AICS at lahat ay nabigyan natin.
Lumipad kami pabalik ng Manila at alas-5 ng hapon ay nakauwi na ako sa bahay.
Mahaba pa ang selebrasyon ng aking kaarawan ngunit mas masaya ako na kapiling ko ang ating mga kababayan at kahit paano ay nabigyan natin sila ng pantawid-alalay na ang kanilang mga ngiti at yakap ay malaking ambag sa mga regalong ibinigay sa akin sa mga panahong ito.
Napakarami pa nating lugar na bibisitahin at karaniwang inaanunsiyo ko naman sa pitak kong ito kung saan at kailan kami pupunta. Tumutok lamang para hindi kayo mawala, baka kasi nasa lugar niyo na ako pero hindi niyo pa alam.
Sa personal kong pagdiriwang sa Setyembre 25 na mismong aking birthday ay wala naman akong malaking selebrasyon, maliban sa pagsasama-sama lang ng buong pamilya at ng aking staff habang balik-trabaho sa pagseserbisyo-publiko.
Pinasasalamatan ko rin siyempre ang mga gobernador, bise gobernadora, mayor at iba pang lokal na opisyal na umalalay sa ating mga pinuntahang lugar. Maraming salamat sa inyo.
Special mention ko lang si Mayor Belmonte dahil ipinaramdam niya sa akin na number one ako sa Quezon City. Hinding-hindi ko makakalimutan ang napakainit na pagtanggap ng mga taga-QC, grabe!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments