top of page
Search
BULGAR

Salamat sa pagkilala ng PMPC

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng |Pebrero 1, 2023



Umuusok ang ating cellphone habang nasa gitna tayo ng pag-eensayo dahil pinaghahandaan na natin ang susunod na proyekto, na talaga namang kaabang-abang kasunod nitong Agimat ng Agila na ipinalabas sa GMA 7.


Medyo mabigat ang requirements hinggil sa ating pangangatawan dahil sa makabagong fight scene na ating pinaghahandaan na gagamitin natin sa inihahanda nating proyekto para may bago namang mapapanood ang ating mga kababayan.


Kaya napakaraming tumatawag at nagpapadala ng message dahil lahat ay bumabati hinggil sa iginawad na award sa teleserye nating Agimat ng Agila na ilang panahon ding sinubaybayan ng ating mga kababayan.


Nanalo bilang Best Drama Mini-Series ang Agimat ng Agila sa 35th Star Awards For Television.


Nakakatuwa na napansin ang Agimat ng Agila ng Philippine Movie Press Club, Inc (PMPC) noong nakaraang Sabado ng gabi na sa dinami-dami ng award ay halos makopo lahat ng mga taga-GMA 7.


Hindi kasi binitawan ng mga tagasubaybay ang Agimat ng Agila mula umpisa hanggang sa magtapos, kaya sobra ang ating pasasalamat sa mga opisyales ng PMPC at sa lahat ng mga sumuporta.


Nagawaran ito ng ‘Best Drama Mini-Series’ na sobrang ipinagpapasalamat natin sa mga opisyales ng PMPC.


Tagumpay ang naturang awards night na ginanap sa grand ballroom ng Windford Manila Resort and Casino sa Maynila sa pamumuno ng Pangulo ng PMPC na si Fernan de Guzman kung saan GMA 7 ang naging Best TV Station na tumangay ng 27 award sa loob ng 48 categories.


Napakahalaga ng mga ganitong award dahil ito ang nagbibigay-sigla sa atin para lalo tayong sipaging magtrabaho at ang mga ganitong pagkilala ay labis nating pinasasalamatan nang buong puso at hindi natin ito kinakalimutan.


Dahil napakarami ng nasiyahan, nanabik, sumubaybay at nabitin sa dalawang Season ng Agimat ng Agila, kaya marami ang nagtatanong sa atin tungkol sa inihahanda nating bagong proyekto, ngunit wala pa tayo sa tamang panahon para magbigay ng mga detalye.


Pero tinitiyak kong hindi na ito mini-series, isang malaking produksyon ang aming inihahanda, maging ang mga artistang makakasama ko ay piling-pili at ang script nito ay pinulido nang husto upang makapaghain naman tayo ng makabagong putahe.


Ayaw kong magbigay ng kumpirmasyon, ngunit malay n’yo, araw-araw n’yo na kaming mapanood, basta sa ngayon ay nais ko munang magpasalamat sa PMPC dahil sa pagkilala nila sa ganda ng Agimat ng Agila.


***


Nais ko ring pasalamatan ang mga kasama ko sa Senado dahil naaprubahan na sa ikatlong pagbasa noong nakaraang Lunes ang iniakda nating panukala na ang munisipalidad ng Carmona ay maging component city na ng Cavite.


Nakakataba ng puso na 19 sa mga Senador ang sumang-ayon, wala kahit isa ang tumabla at wala rin kahit isa ang tumutol at bilang isang Kabitenyo ay isang malaking karangalan na may karagdagang lungsod na naman sa aming lalawigan.


Iniakda natin ang Senate Bill No. 1335 o ang An Act Converting the Municipality of Carmona in the Province of Cavite into a Component City to be known as the City of Carmona na isinumite natin noong Setyembre 29, 2022.


Ang naturang panukala ng conversion ay magpapalakas sa kakayahan ng Carmona na makapag-engganyo ng maraming investor, makakapagdagdag din sa development at maayos na serbisyo upang lalo pang mapaunlad ang naturang bayan.


Lahat kasi ng major indicators ng tunay at viable industries ay nasa Carmona na, kabilang na ang leisure parks, hospitals, universities, subdivisions, real states at mahigit sa 450 industrial establishments—hindi pa kasama dito ang bagong tayong 200-hectare Smart City ng Carmona.


Ang Carmona rin ang pinakamayamang munisipalidad sa Pilipinas noong 2021 na may kabuuang P6.212 bilyong assets base sa pinakahuling Annual Financial Report ng Commission on Audit (COA) kaya marapat lamang na maging ganap na itong siyudad.


Isa pa sa nais nating pasalamatan ay si Sen. JV Ejercito, Chairman ng Committee on Local Government na labis na tinutukan ang panukala nating ito at hinding-hindi natin ito makakalimutan kasama ang ating mga kababayan sa Cavite.


Ang pagpasa ng panukalang ito ay hindi lamang nangangahulugan ng mas mahusay na serbisyo para sa kapakanan ng mamamayan ng Carmona, kung hindi ang pagyabong mismo ng ating ekonomiya bilang isang bansa.


Kaya sa magandang biyayang ito sa atin ng PMPC at ng mga kasama ko sa Senado, maraming-maraming salamat sa inyong lahat!


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

ความคิดเห็น


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page