top of page
Search
BULGAR

Sakto ngayong Valentine’s Day… PAANO MAPAPANATILING FRESH ANG BULAKLAK?

ni Jersy L. Sanchez @Life & Style | February 13, 2023





Bukas ay Araw ng mga Puso na. Excited na ba ang lahat?


Kung oo, eh ‘di, sana all! Kidding aside, ang Valentine’s Day ay isa sa mga pinakaaabangang ganap kada taon dahil ito ang araw na ipinadadama ng mga mag-dyowa, mag-asawa ang kanilang pagmamahal sa isa’t isa sa pamamagitan ng pagbibigay ng regalo tulad ng tsokolate at bulaklak, gayundin, nagse-set up sila ng romantic date.


Pero siyempre, hindi lang naman ang mga mag-dyowa at mag-asawa ang puwedeng magbigayan ng regalo o bulaklak sa isa’t isa dahil para sa mga single, puwede naman kayong bumili ng bulaklak para sa inyong sarili o kaya naman, bigyan ang inyong mga kaibigan o pamilya. Lahat naman sila ay love natin, ‘di ba?


Anyways, para sa mga makakatanggap ng bulaklak, narito ang ilang paraan upang hindi madaling malanta ang fresh flowers na inyong matatanggap sa Araw ng mga Puso:


1. APPLE CIDER VINEGAR & SUGAR. Paghaluin ang dalawang kutsarang apple cider vinegar at dalawang kutsarang tubig sa vase bago ilagay ang mga bulaklak dito. Ang suka ay nagsisilbing antibacterial agent, habang ang asukal ay nagsisilbing additional flower food.

2. ASPIRIN. Ihalo ang durog na aspirin sa vase na may bulaklak. Sey ng experts, ang aspirin ay magpapababa ng pH level ng tubig, at magpapabilis ng ‘pag-travel’ nito sa bulaklak, kaya napipigilan ang mabilis na pagkalanta nito.


3. BLEACH. Maglagay ng ¼ teaspoon ng bleach sa iyong vase ng fresh flowers at mananatili itong fresh. Mapapanatiling malinaw ng bleach ang tubig dito, gayundin, magsisilbi itong panlaban sa bacteria.

4. COPPER COINS. Para mapanatiling fresh ang mga bulaklak, maglagay ng copper na barya dahil ito ay magsisilbing acidifier at panlaban sa bacteria growth. Sa ika-apat na araw, ang mga bulaklak ay magbu-bloom nang mas maganda.


5. FLOWER FOOD. Ang pagdaragdag ng flower food sa vase ng fresh flowers ay subok nang paraan para mapanatiling fresh ang mga bulaklak sa mahabang panahon. Kaya para sa mga walang time mag-experiment, go na kayo rito.


6. FRIDGE. Ilagay ang bouquet sa fridge nang walong oras kada gabi. Ayon sa mga eksperto, ang mga bulaklak ay nagtatagal sa malamig na temperatura at ito ang nakakatulong sa mabagal nitong paglanta o pagtanda.


7. SODA. Maglagay ng ¼ cup ng soda sa vase. Ang sugar na nasa soda ay nakakatulong upang magtagal ang bulaklak, gayundin, magiging mas matamis ang amoy nito.


8. VODKA. Ang ilang patak ng vodka ay may ibang epekto sa mga bulaklak. Ang ‘spirit’ ng vodka ay pumipigil sa ethylene production, isang ripening gas na nakakatulong upang mag-mature ang mga halaman, at nagpapabagal ng paglanta ng mga bulaklak.


Totoong napakasarap makatanggap ng flowers mula sa ating mga mahal sa buhay. Kaya naman, let’s make sure na mapapahaba natin ang panahon na fresh ito. Magandang paraan ito para maipakita at maiparamdam na pinahahalagan natin ang anumang ibinigay sa atin.

Gets mo?



0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page