ni Ryan Sison - @Boses | July 24, 2021
Kahapon, Hulyo 23, pormal nang inanunsiyo ng Department of Health (DOH) ang pagkakaroon ng local transmission ng Delta variant, kung saan habang isinusulat ang artikulong ito ay nasa 47 ang naitalang kaso sa bansa.
Una nang sinabi ng DOH na kayang makahawa ng Delta variant hanggang walong katao “in one sitting” ng COVID-19, bagay na mas nakahahawa sa iba pang variants of concern dahil mas agresibo at nakamamatay ito kumpara sa karaniwan.
Gayunman, tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na mag-deploy sila ng kanilang mga tauhan sa mga local government units bilang contact tracers bunsod ng Delta variant ng COVID-19.
Ayon kay PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, may mga tauhan sila na sanay sa contact tracing at nakikipag-ugnayan na sila sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at DOH kung ilang contact tracers ang kanilang kakailanganin.
Dahil sinasabing mas agresibo at mabilis makahawa ang naturang variant, dapat lang na paigtingin pa ang contact tracing nang sa gayun ay mabilis matunton ang mga nakahalubilo ng mga tinamaan ng Delta variant.
At kung may kakayahan namang tumulong ang iba pang ahensiya ng gobyerno, dapat lang sumaklolo ang mga ito sa lalong madaling panahon.
Ngayon higit na kailangan ng bansa ang inyong tulong dahil kung mas mabilis itong matutugunan, mas mapipigilan ang hawaan.
Kaya panawagan sa pamahalaan at iba pang ahensiya, galaw-galaw pa more para mapigilan agad ang pagkalat ng mas mabangis na variant sa ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments