top of page
Search

Sakit-ulo ba inabot nina Sec. Bautista, Sec. Chavez sa sablay na mga polisiya ni PBBM kaya nag-resign?

BULGAR

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 21, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

KAYA BA MAGKASUNOD NAG-RESIGN SINA SEC. BAUTISTA AT SEC. CHAVEZ DAHIL SAKIT-ULO NA SILA SA MGA SABLAY NA POLISIYA NG MARCOS ADMIN? -- Magkasunod na nagbitiw sa kanilang mga posisyon sa gobyerno sina Sec. Jaime Bautista ng Dept. of Transportation (DOTr) at Sec. Cesar Chavez ng Presidential Communication Office (PCO), at ang kanilang dahilan sa pag-resign sa Marcos administration ay kesyo may sakit daw sila.


Eh ang tanong: Hindi naman kaya sakit ng ulo inaabot nina Bautista at Chavez sa mga sablay na polisiya ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) kaya sila kumalas sa Marcos admin? Kasi hindi naman nila idinetalye ang sakit nila kaya sila nagsipag-resign sa puwesto? Boom!


XXX


‘IKA NG MGA DDS NOON, ‘EDSA PEOPLE POWER, FAKE!’ PERO NGAYON ‘REMEMBER EDSA, IBAGSAK SI MARCOS’ -- Noong panahong si ex-P-Duterte pa ang presidente ng bansa, sa tuwing sasapit ang Feb. 25, EDSA People Power anniversary bilang paggunita sa pagpapatalsik sa puwesto sa noo’y Pres. Ferdinand Edralin Marcos, Sr. (Feb. 25, 1986) ay umuusok sa galit ang mga Duterte Diehard Supporters (DDS) vloggers sa kapu-post sa social media na kesyo fake daw ang people power noon at ito raw ay kagagawan o ilusyon lang ng mga “dilawan.”


Ito na siste, nang magkagalit ang Marcos at Duterte, bago sumapit ang ika-39 taong anibersaryo ng People Power sa Feb. 25, 2025, ay panay ang post sa socmed ng DDS vloggers at ito na ang nilalaman ng kanilang mga post... “Remember EDSA, Ibagsak si Marcos.” 


‘Yan ang mga DDS, ang hirap ispelingin, period!


XXX


KUNG NAKAPAGLABAS-PASOK SA ‘PINAS ANG ICC MALAMANG MAKAPASOK DIN ANG INTERPOL SA BANSA PARA DAKPIN SINA EX-P-DUTERTE -- Kinumpirma ni Solicitor General Menardo Guevarra na nakapaglabas-pasok sa Pilipinas ang mga taga-ICC (International Criminal Court) sa pagkalap ng mga ebidensya laban kay ex-P-Duterte at iba pang sangkot sa extrajudicial killings (EJK) sa panahon ng Duterte administration.


Sa statement na iyan ni SolGen Guevarra ay nagdedelikado na talaga si ex-P-Duterte at iba pang sangkot sa EJK kasi maaaring kapag naglabas na ng warrant of arrest ang ICC ay baka payagan na rin ng Marcos admin na makapasok sa ‘Pinas ang mga International Police Commission (Interpol) para sila (ex-P-Duterte et. al) ay dakpin, abangan!


XXX


KORTE SA ‘PINAS, NAGPAPAKULONG NG NAGNAKAW NG P5K, PERO NAG-AABSUWELTO NAMAN NG MGA PULITIKONG NAGNAKAW NG DAAN-DAANG MILYONG PISO -- Hinatulan ng korte na makulong ng hanggang 11-years ang isang public school principal daw na nambulsa ng P5K mula sa public funds.


Iyan ang malungkot na nangyayari sa ‘Pinas, na ‘yung mga “nambulsa” ng P5K talaga hinahatulan at ipinakukulong ng korte, pero ‘yung mga pulitikong daan-daang milyong piso ang kinurakot sa kaban ng bayan ay inaabsuwelto, tsk!

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page