top of page
Search
BULGAR

Sakit sa puso, diabetes, kanser at pagkabaog...

Ilan lamang sa mga sakit na iniuugnay sa sobrang katabaan

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | November 20, 2020




Dear Doc. Shane,


Nasa lahi namin ang pagiging mataba, kaya kahit marami ang namimilit sa akin na magpapayat ay tinatamad ako dahil parang wala namang epek. Marami raw kasing sakit ang iniuugnay sa katabaan. Totoo ba ‘yun? – Mae Ann


Sagot


Ang pagkakaroon ng sobrang timbang o kondisyon na obesity ay hindi lamang problema sa pisikal na anyo bagkus ay itinuturing din na problema sa kalusugan. Ang pagiging sobrang taba ay nagtataas ng panganib ng pagkakaroon ng iba’t ibang malalalang sakit.


Ang sumusunod ay ilan sa mga kilalang sakit na may koneksiyon sa sobrang katabaan.

  • Sakit sa puso. Mas mataas ang posibilidad na mamuo at mabarahan ang mga ugat na nagsusuplay ng dugo sa puso (coronary artery) sa mga taong may sobrang timbang. Dahil dito, mas tumataas ang posibilidad na makaranas ng paninikip ng dibdib (angina) o atake sa puso.

  • Alta-presyon. Mas tumataas din ang pagkakaranas ng alta-presyon o pagtaas ng presyon ng dugo kung ang timbang ay mananatiling sobra sa normal. Kaugnay nito, maaaring makaranas ng iba’t ibang sintomas tulad ng pagkahilo at pamamanhid ng katawan. Dahil din sa alta-presyon, mas tumataas ang panganib ng stroke at pagkakaroon ng pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

  • Stroke. Ito ay kondisyon kung saan napipigilan ang maayos na pagdaloy ng dugo sa utak. Maaaring dahil ito sa pagbabara ng mga ugat o pagputok ng ugat sa utak. Maaari itong makamatay o magdulot ng pagkabaldado ng kalahati ng katawan.

  • Diabetes. Ito ang sakit kung saan nawawala ang abilidad ng katawan na kontrolin ang lebel ng asukal sa dugo. Dahil dito, maaaring tumaas o bumagsak nang husto ang lebel ng asukal sa dugo at pareho itong may masamang epekto sa kalusugan. Karamihan sa mga taong may malalang kondisyon ng diabetes ay may mataas ding timbang.

  • Kanser. Higit na mataas din ang posibilidad ng pagkakaroon ng kanser, partikular ang kanser sa bituka (colon cancer), dibdib (breast cancer), matres (endometrial cancer), sa mga taong matataba at sobra ang timbang.

  • Osteoarthritis. Dahil sa sobrang bigat na dinadala ng katawan, maaaring makaranas ng arthritis o pananakit ng mga kasukasuan. Nadadagdagan kasi ang bigat ng mga kasukasuan at napapabilis ang pagkasira ng mga kalamnan na nakapalibot dito.

  • Hirap sa paghinga habang tulog (Sleep Apnea). Isa rin sa mga karaniwang problema ng mga matataba ay ang hirap sa paghinga kapag natutulog. Ang sobrang taba na bumabalot sa leeg ay maaaring dumiin sa daluyan ng paghinga at maharangan ang maayos na daloy ng hangin.

  • Bato sa apdo. Ang sobrang taba sa katawan ay nakadaragdag din ng posibilidad ng pagkakaaroon ng mga bato sa apdo o gallstone. Ang mga naipong taba sa katawan ay maaaring mamuo sa apdo at maging maliliit na bato na kung gumulong papunta sa mga daluyan ng bile ay maaaring magdulot ng pagbabara at pamamaga.

  • Pagkabaog. Madalas ding problema ng mga taong may sobrang timbang ang kakayanan na makabuo ng anak.

  • Sobrang kolesterol sa dugo. Hindi malayong magkaroon ng mataas na lebel ng taba at kolesterol sa dugo ang mga taong sobra ang timbang. Ang pagkakaroon ng masamang kolesterol sa dugo ay iniuugnay sa iba’t ibang sakit tulad ng stroke, alta-presyon at sakit sa puso.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page