ni Ryan Sison @Boses | Mar. 16, 2025

Para masigurong magiging malusog at hindi tamaan ng anumang sakit ang ating mga anak, mabuting ipatingin sila sa mga doktor at iba pang healthcare worker.
Batay sa report ng Department of Health (DOH), kapansin-pansin anila ang pagtaas ng mga kaso ng measles-rubella sa bansa, na may kabuuang 922 na mga kaso na naitala mula Enero 1 hanggang nitong Marso 1, 2025.
Ito ay 35 porsyentong mataas kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon na mayroon lamang 683 na kaso.
Ang pagtaas ng mga naturang kaso ay partikular na nakababahala sa ilang rehiyon, kabilang ang National Capital Region (NCR), Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos, Bicol, Western Visayas, at SOCCSKSARGEN, anang kagawaran.
Sa mga naiulat na kaso, 625 o 68 porsyento ay mga bata na hindi pa nabakunahan o hindi kumpleto ang kanilang measles vaccination.
Ang measles o tigdas, isang nakakahawang sakit, ay madaling kumalat sa pamamagitan ng pag-ubo at pagbahin.
Ayon kay DOH Secretary Ted Herbosa, ang isang batang may tigdas ay puwedeng makahawa sa 16 na iba pang mga bata, kaya naman mahalagang mapigilan ang pagkalat ng sakit na ito.
Binigyang-diin din ng kalihim na kung hindi gagamutin, ang tigdas ay maaaring humantong sa malubhang kumplikasyon tulad ng pneumonia, brain infection at mauwi sa kamatayan, lalo na sa mga batang wala pang limang taong gulang.
Gayunman aniya, maiiwasan ang mga kumplikasyong ito kung ang mga bata ay nabakunahan laban sa tigdas. Aniya, ang mga sakit na ito ay napipigilan ng bakunang gaya ng MMR vaccine, kaya dapat na magpaturok nito sa mga health center.
Sinabi naman ni Herbosa na pagtuloy ang DOH na nagsasagawa ng regular na vaccination ng measles, mumps at rubella (MMR) para sa mga batang may edad 9-12 months sa mga health center sa buong bansa. Bukod pa rito, nakatakda silang magsagawa ng catch-up immunization drive ngayong Marso para sa mga batang may edad na 13-59 months sa mga piling rehiyon, kabilang ang Central Luzon, Calabarzon, SOCCSKSARGEN, at BARMM.
Hindi biro ang dapuan ng sakit na tigdas lalo na ang mga bata na kapag nagkaroon ng kumplikasyon ay posibleng mauwi ito sa kamatayan. Paalala lamang, hindi ba’t may mga report na rin ng measles outbreak sa Amerika kung saan may naitalang namatay?
Kaya sana huwag natin itong balewalain. Pabakunahan natin ang ating mga anak kontra tigdas sa mga doktor o nurse sa ating mga health center habang gawin na ring sila ay ipa-checkup.
Mas makabubuti ito para sa kanila upang lumaki silang malusog, malakas at masigla. Lagi rin nating tatandaan na obligasyon nating mga magulang na alagaan ang kanilang kalusugan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Komentar