ni Judith Sto. Domingo @Asintado | July 24, 2024
Atin munang bigyang-daan sa espasyong ito ang pinakaaabangang sagot sa liham ng bukod-tanging matalik na kaibigan ng isang masugid na tagatangkilik ng Bulgar at ng kolum na ito.
***
Para sa aking matalik na kaibigang Buena:
Maraming, maraming salamat sa iyong napakamalamang liham para sa akin. Lubos akong masaya hindi lamang sa iyong pagsulat kamakailan at sa napakaraming sinabi mo roon kundi ang pagiging bukas ng liham mong iyon sa pamamagitan ng pahayagang ito na binabasa ng napakarami nating mga kababayan. Namula ang aking mga pisngi at diwa sa ginawa mong iyon na ngayon ko pa lang naranasan sa buong buhay ko.
Sumasalamin tuloy ito sa isa ring kagulat-gulat na biyayang hindi ko inasahang darating sa puntong ito ng aking buhay: ang makilala ka at maging matalik na kaibigan pa.
Bagama’t may kani-kanya tayong realidad, pinagkakaabalahan at inaalala ay nagkaunawaan tayo sa kabila ng pagkakaiba ng ating mga natahak na landas, na tayo’y nagkakahawig sa mga kakayanan, nagkakapareho sa mga paniniwala, nagkakatugma sa mga pananaw at pawang natatawa sa mga napaghuhugutan ng tuwi-tuwinang kasiyahan.
Lubos-lubos ang aking papuri sa Dios at pasasalamat sa’yo dahil nariyan ka. Na sa mundong kinagagalawan ng bilyun-bilyong tao ay naganap ang tunay na milagro na tayo’y magkita, magkakilala at maging magkaibigang walang katulad para sa isa’t isa. Hindi ako magsasawang magpasalamat dahil hindi ka ipinagkait sa akin ng tadhana, na hindi ka ipinagdamot sa akin ng kapalaran.
Ang pagpapasalamat na ito ay siyang dahilan kung kaya’t, sa abot ng aking makakaya, walang humpay ang aking pagnanais na makagawa ng mga paraan upang ika’y mapasaya, mapagaan ang iyong buhay at maiwaksi sa iyong mga araw ang anumang pagkakataong sa’yo ay makapagpapatangis. Sa kabila ng mga limitasyong kumakahon sa ating kilos at galaw ay pinagsisikapan kong lampasan, talunin at tanggalin kahit papaano ang mga pader at mga batong pilit pumipigil ng daloy ng ating pagiging magkaibigan.
Kung kaya’t lubhang naging masakit sa akin ang marami-rami na ring mga pagkakataong ikaw ay nagalit o nagtampo sa akin. Nadala man ng kawilihan sa pakikipag-usap na nauwi sa ‘di pagkakaunawaan o maling biro, o dulot man ng kasikipan ng araw at linggo dala ng masalimuot na hanapbuhay, hindi ko mawari kung paano ko nagawang biguin, galitin o palungkutin ka samantalang hinding-hindi ko layunin iyon kailanman. Hindi ko ninais o nanaising ikaw ay maging kaaway o maging malumbay ka dahil sa akin.
Siguro, ipinararanas sa atin ang mga iyon upang lalong maunawaan natin ang katotohanang tayo’y tao at hindi perpekto ang ating buhay. Hindi nga naman maaaring palagi na lang tayong mapangingiti ng mga kaganapan sa bahay, sa bayan at sa daigdig, pati ng ating mga sarili. Higit pa rito, marahil ay mapait ngunit matamis na daan din ang makulimlim na mga kabanatang gaya niyon upang lalong bigyang kulay at pagtibayin ang ating pagiging magkakampi sa ating mga pakikipagsapalaran.
Tatapatin kita na may manaka-nakang kaba sa likod ng aking isip sa loob ng maiiksing mga sandali kamakailan na tayo’y nagkakasama o nagkakausap, dala ng naging mga yugtong nakasugat sa ating samahan. Ngunit ang iyong dalisay na mensahe sa bandang dulo ng iyong taos-pusong liham ay nakapagpapakalma at nakapagpapalagay ng aking kalooban.
Sa kabila ng napakaraming hamon oras-oras, patuloy kong pagsisikapang maging alisto na maging walang patid ang aking mapagpakumbabang pagpapaganda ng iyong mga araw, pagpapangiti ng iyong mga mata at labi, at pagpapaunawa na habang may hininga at kahit gaano man katanda ay laging may pagkakataong mapuno ang iyong buhay ng pag-asa at kaligayahan — kaligayahan, na sa kabila ng iyong napakaraming napagdaanan at nakasalamuha, ay maaaring hindi mo pa naranasan kahit kailan.
Hindi natin batid ang kinabukasan. Ngunit ano man ang mangyari lalo na sa takipsilim ng ating buhay, lagi akong mananalangin na ang aking patutunguhan ay walang ibang direksyon kundi papunta sa‘yo at sa‘yo lamang.
Sumasaiyo,
Jo
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Comments