top of page
Search
BULGAR

Sagot ni P-BBM sa apela ng transport group vs. phaseout, ‘wag nang patagalin

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | December 12, 2023


Nagpasaklolo na ang transport group na MANIBELA sa Malacañang na direkta na itong nagpadala ng sulat kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) hinggil sa nalalapit na pagpapatupad ng deadline sa consolidation sa Disyembre 31, na pinaniniwalaan ng ibang simula na rin ng phaseout ng tradisyunal na jeepney.


Sa kabila ng halinhinang protesta na isinagawa ng transport group na MANIBELA at PISTON ay tila hindi naman nila natinag ang paninindigan ng Department of Transportation (DOTr) sa nalalapit na deadline sa kabila ng mga banta na may mga susunod pang protesta.


Noong nakaraang Disyembre 3, sinulatan mismo ng MANIBELA si P-BBM at binigyan din nila ng kopya ang tanggapan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na isa rin sa nais nilang makaharap upang mapakinggan ang kanilang mga hinaing.


Nakapaloob sa dalawa’t kalahating pahinang liham na isinadlak umano sila labis ng kahirapan ng nagdaang pandemya na humantong sa kalagayan nilang ‘isang kahig, isang tuka’ dahil sa pagkawala ng kanilang kabuhayan bilang driver at operator ng tradisyunal na jeepney.


Karamihan umano sa kanilang hanay ay wala namang ipon kaya marami ang pinalayas na sa inuupahan nilang bahay at sa loob na lamang ng pampasaherong jeepney natutulog at ang pinakamasakit pa umano ay umabot na ang karamihang tsuper na namamalimos na lamang sa lansangan para makakain.


Dahil sa haba umano ng panahon ng wala silang hanapbuhay dulot ng pandemya ay hindi lamang dignidad ang nawala sa kanila dahil maging ang buhay ng marami sa kanilang kasamahan ay nawala rin sanhi ng kawalan ng pambili ng gamot.


Nilalaman din ng naturang sulat na hindi pa sila lubusang nakakabangon sa pagkakalugmok mula sa pandemya at may panibago na naman umanong nagbabadyang trahedya at ito ang posibleng mawalan sila ng kabuhayan dahil sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).


Masyado umanong minamadali ang PUVMP na naging dahilan kaya karamihan sa kanilang hanay ay nabaon na sa utang at iba naman ay nawalan na ng kabuhayan dahil sa malaking porsyento umano ay hinatak na ang mga unit/modern mini-bus at ang iba ay na-bankrupt ang kanilang kooperatiba o korporasyon dahil sa kakulangan ng kaayusan at paghahanda sa pagpapatupad nito.


Hindi naman umano sila tutol sa modernisasyon basta’t ito ay makatuwiran, makatao at nais nilang walang maiiwan kahit isa sa kanilang hanay.


Nakapaloob din sa liham na kaya sila lumapit kay P-BBM ay upang maitulad ang programa sa Davao Region na naglaan ang pamahalaan ng P73 bilyon para sa modernisasyon ng pampublikong transportasyon at hangad umano nila na wala ng driver, operator at iba pang manggagawa sa transportasyon ang makaranas ng gutom sa tulong nga ng Pangulo.


Laman din ng kanilang liham na ibalik ang validity ng kanilang prangkisa sa loob ng limang taon, upang mawala umano ang kanilang pangamba na sa tuwing sasapit ang katapusan o kalagitnaan ng taon ay mawawalan sila ng hanapbuhay habang inaaral pa umano ang pagpapatupad ng PUVMP.


Nais din nila na muling pag-aralan ang Local Public Transport Route Plan (LPTRP) dahil marami umano ang nasagasaang ruta at karamihan ay hindi naman dumaan sa hearing ng mga LGUs. Maiwasan din umano na sa malalaking korporasyon lang ina-award ang mga ruta at nawawalan ng hanapbuhay ang mga maliliit na kasapi.


Nais din nilang matiyak na mananatili ang tradisyunal na jeepney habang wala pang pondo at kakayahang magpalit ng modernong sasakyan at sana ay mga gawang Pinoy na bukod sa mura, magkakaroon pa ng hanapbuhay ang mga mekaniko at latero sa bansa.


Ang liham na ito ay ipinadala ng MANIBELA noong nakaraang Disyembre 3, 2023 at hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na sagot na nakukuha mula kay P-BBM at sa DOJ kaya kasabay ng sambayanan ay mananatili muna tayong nakaabang.


Habang papalapit nang papalapit ang Disyembre 31, 2023 ay hindi na nakakatulog ng normal ang mga pamilya ng transport group na tutol sa PUVMP at habang marami tayong kababayan na nagsasaya dahil sa pagsalubong sa bagong taon, may isang sektor na nagluluksa sakaling hindi sila mapagbibigyan ng pamahalaan.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page