top of page
Search
BULGAR

‘Sagot-for-sale’, walang magandang maidudulot sa pag-aaral ng mga bata

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | March 23, 2021



Nakababahala ang mga posibleng pinsala na idudulot sa pagkatuto ng mga mag-aaral ng nabalitaang “sagot-for-sale” kung saan hindi lang mga estudyante ang mga nasasangkot kundi ang kanila mismong mga magulang.


Sa nakaraang pagdinig sa Senado, kung saan tinalakay ang pagpapatupad ng distance learning ngayong School Year 2020-2021, muling pinag-usapan ang iniulat ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na may ilang magulang na nagbabayad ng mga maaaring sumagot sa modules ng kanilang mga anak. Napag-alaman din na ang ibang magulang ay maaaring makakontak ng sinumang sasagot sa aralin ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng internet.


Ayon sa Department of Education (DepEd), 99.13 porsiyento sa mahigit 14 milyong mag-aaral ang nakapasa sa first quarter sa kabila ng hamon ng distance learning. Hindi pa kasama ang datos mula sa National Capital Region, Region 7 at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).


Pero parang hindi ito kapani-paniwala. Iba kasi ang sitwasyon sa mga Valenzuelanong mag-aaral dahil malayong mababa ang resulta ng kanilang national achievement scores. Nakakuha ng average na 48 porsiyento ang mga nasa Grade 8 sa lahat ng subject, 51 porsiyento ang nakuha ng mga nasa Grade 9, at 55 naman ang nakuha ng mga nasa Grade 10 sa lahat ng subject. Lahat ng resultang ito ay hindi hamak na malayo sa passing rate na 75 porsiyento.


Bagama’t alam nating ang ulat ng DepEd ay base lamang sa datos na nagmumula sa mga rehiyon, mayroong malaking pangangailangan sa mas malinaw na pag-unawa sa proseso ng assessment sa ilalim ng distance learning, lalo na’t nahaharap tayo sa maraming hamon tulad ng kakulangan ng paggabay ng mga guro at maayos na internet connection.


Hindi kaila na maraming hamon ngunit kailangan nating lubos na maunawaan ang assessment na ginawa ng DepEd. Bukod dito ay nais din nating makita ang pag-aanalisa sa bawat subject upang matukoy kung saan nahihirapan ang mga mag-aaral.


Kailangang makahabol ang mga mag-aaral natin sa bansa matapos lumabas ang resulta ng mga nagdaang international large-scale assessments, kung saan nahuhuli at nahihirapan ang mga mag-aaral na lubos na matutunan ang kanilang mga aralin.


Higit sa lahat, ang ating panawagan sa mga magulang ay huwag naman sana nating gawin ang hindi tama tulad ng iskemang “sagot-for-sale” dahil kawawa ang mga batang estudyante kung susumahin. Nakapasa nga sila sa subjects nila pero wala naman silang natutunan lalo na kung lilipat na sila sa susunod na baitang.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page