ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 22, 2021
Kamakailan ay naghain ang inyong lingkod ng resolusyon upang suriin sa Senado ang kahandaan ng sektor ng edukasyon para sa school year 2021-2022. Layon ng Senate Resolution No. 739 na suriin ang kakayahan ng mga paaralan na maghatid ng de-kalidad na edukasyon sa anumang paraan para sa susunod na school year — sa pamamagitan man ng face-to-face classes o ng distance learning.
Sa inihaing resolusyon, ang itinutulak dito ay ang agarang pagsusuri sa pagiging epektibo at sa mga hamong kinahaharap ng distance learning para sa SY 2020-2021, kabilang na ang kakulangan ng gadgets, problema sa kuryente, internet connection, angkop na espasyo sa pag-aaral at kalidad ng mga modules. Ilan din sa mga natukoy na isyu ay ang epekto ng kakulangan ng pisikal na pakikipag-ugnayan, labis na screen time at maging ang pressure na nagiging sanhi ng depresyon ng mga batang mag-aaral. Kung matatandaan sa mga nakaraang balita na may ibang mag-aaral na nasangkot sa “sagot-for-sale” at sa “online sex sale” upang makalikom lamang ng pantustos sa distance learning.
Lumabas sa pinakahuling Pulse Asia survey, na kinomisyon ng inyong lingkod, na wala pang kalahati (46%) ng mga Pilipinong may anak sa basic education ang nagsasabing natututo ang kanilang anak. Nasa 30 porsiyento ang nagsasabing hindi nila matukoy kung natututo ba o hindi ang kanilang anak, habang 25 porsiyento naman ang nagsasabing hindi natututo ang kanilang mga anak.
Lumabas din sa naturang survey na karamihan sa mga suliraning hinaharap ng mga magulang, guardians at mag-aaral ang hirap sa pagsagot ng modules (53%), paputul-putol na internet connection (43%), hirap sa pagtutok o katamaran sa pakikinig sa online learning (42%), at kawalan ng gadgets para sa online learning (36%).
Trabaho rin natin bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na suriin ang kahandaan ng mga paaralan para sa face-to-face classes, lalo na’t ang mahigit isang taong pananatili sa mga tahanan ay mayroon ding hindi magandang epekto sa mga kabataan.
Sa isa ngang pagdinig na isinagawa sa Senado nitong taon, tinukoy ng Philippine Pediatric Society (PPS) na ang pagsasara ng mga paaralan ay naiuugnay sa mas mataas na panganib ng karahasan, pang-aabuso at maagang pagbubuntis. Sa madaling salita, habang tumatagal ang panahon ng pagkakaantala ng pagbabalik-eskuwela, mas lumalalim pa ang suliranin sa pinsalang idinudulot nito sa mga mag-aaral.
Pagkatapos ng isang taon ng distance learning kung saan marami tayong hinarap na mga hamon, mahalaga at napapanahong matiyak natin kung paano magagamit ang mga natutunan para masigurong sa susunod na school year ay magiging mas epektibo ang paghahatid natin ng edukasyon sa mga kabataang Pilipino.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments