ni Mharose Almirañez | November 3, 2022
Nakakasigurado ka bang ligtas ang iyong pamilya laban sa mga magnanakaw?
Minsan, akala natin ay safe na tayo, basta nasa loob ng sariling bahay, pero ang hindi natin alam, kahit ano’ng pag-iingat ay hindi pa rin puwedeng makaiwas sa mapagmatyag na mga mata. ‘Yung tipong, magugulat ka na lamang na natiktikan na pala nila ang iyong mga kagamitan. Kumbaga, nasalisihan ka na nila at inakyat na pala ng magnanakaw ang inyong bahay noong oras na walang tao sa inyo o noong mahimbing kayong natutulog sa kalaliman ng gabi.
Bilang concerned citizen, narito ang ilang dapat gawin upang maiwasan ang akyat-bahay gang:
1. MAGLAGAY NG GRILLS. Kung may grill na nakaharang sa inyong bintana ay mahihirapang makapasok at makapagpuslit ng naglalakihang appliances ang magnanakaw. Kaya naman bago pa sila makalabas sa binatana ay paniguradong nahuli n’yo na sila.
2. TIYAKING NAKA-LOCK ANG MGA PINTO AT BINTANA. Napakahalaga na naka-lock nang maigi ang inyong pinto. Hangga’t maaari ay maglagay kayo ng double lock nang sa gayun ay mahirapang magbaklas ng kandado ang mga magnanakaw. Kung mayroon kayong emergency exit, tiyaking nakasarado rin ito nang maigi upang hindi makadaan du’n ang kawatan.
3. MAGLAGAY NG CCTV CAMERA. Kung keri, ‘yung may motion sensor na CCTV camera na ang ikabit n’yo upang mabilis ma-detect ang kahina-hinalang kilos ng mga taong dumaraan sa tapat ng inyong bahay. Mangyari man ang nakawan ay puwede n’yo ring i-replay ang CCTV footage upang mahuli ang salarin.
4. MAKIPAG-COORDINATE SA MGA AWTORIDAD. Gaya na lamang ng mga barangay tanod at guard ng inyong subdivision dahil sila ang unang kumikilatis sa mga taong naglalabas-pasok sa inyong lugar. Kaya mainam kung mayroon kayong contact number nila para kontakin sila upang makahingi ng tulong na mahabol at ma-trace ang magnanakaw.
5. HUWAG BASTA MAGTIWALA. Hindi masamang magkaroon ng trust issues, lalo na kung para naman sa kapakanan ng iyong pamilya. Huwag kang maging palangiti kahit kanino, sapagkat hindi lahat ng ngumingiti sa ‘yo ay may magandang intensyon dahil mayroong ilan na gusto lamang kunin ang iyong loob bago tuluyang umatake. Okay lang na maging friendly sa neighborhood, pero huwag magtiwala nang bonggang-bongga.
Sa hirap ng buhay ngayon ay mapapabuntong-hininga ka na lamang kapag ikaw ang nabiktima ng akyat-bahay. ‘Yung tipong, hindi mo pa nga fully paid ‘yung hinuhulugan mong appliances tapos nanakawin lamang sa iyo.
Ang masaklap pa r’yan, may mga beteranong akyat-bahay na nananakit kapag nakita ka nila. Kaya tumakbo ka na bago ka pa nila mapag-initan, ma-rape o mapatay. Hays. So, beshie, ingat, ha?
Comments