top of page
Search
BULGAR

Safety protocols tuwing tatanggap ng parcel kay manong rider!

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | October 14, 2021



Kumusta kayo? Bago ang lahat, magpapakilala muna tayo. Ang inyong lingkod ay isang butihing ina sa dalawang babae: sina Cristah at Mischka. Nitong nakalipas na higit 20-taon, tila isa na rin tayong ina para sa napakaraming kaibigan at kahit sa mga taong hindi pa natin nakikilala. Ito ay sa kadahilanang lubos nating niyakap ang adbokasiya sa pagsulong ng kalusugan.


Mula na rin sa ating mga naging personal na karanasan sa pagiging ina pagdating sa kalusugan ng mga bata, naging mas mainit ang ating adhikaing mapabuti ang sistema ng pangangalaga sa kalusugan sa ating bansa. Una tayong naging volunteer ng Philippine Red Cross noong 2011 at pinagsumikapang mabuo ang kauna-unahang Red Cross 143 sa ating komunidad, hanggang naging Konsehala na ng Red Cross. Noong naging city councilor ang aking mister na si Cris Mathay, naging katuwang natin siya sa pagsulong ng ordinansang libreng PhilHealth para sa lahat ng mamamayan ng San Juan, at laking pasasalamat natin nang ito ay naging ganap na ordinansa. Sa lahat ng ating sinalihang organisasyon, tulad ng JCI at Zonta, naging prayoridad natin ang pagsasagawa ng mga programang pangkulusugan para sa iba’t ibang sektor ng lipunan, lalo na sa mga kababayan nating naghihikahos sa buhay.


Noong tayo naman ay nagtrabaho sa Senado, kasama ng may akda ng Universal Health Law na si dating Sen. JV Ejercito, patuloy nating ipinaglaban ang mas maayos na kalidad ng health services sa abot ng ating makakaya. Kada budget hearing ng DOH, nakaabang tayo sa labas ng session hall para kulitin ang mga namumuno sa ahensiya. Matiyaga nating sinamahan sa Senado ang lahat ng mga organisasyon ng mga doktor upang tulungan silang isulong ang iba’t ibang batas na para sa ating medical frontliners. Hindi natin mawari kung bakit tila hindi prayoridad ang pagpapabuti ng ating health care system, maging ang medical fornliners, habang batid nating napakaraming Pilipino ang nagdurusa dahil dito.


Fast forward noong 2020, biglang sumulpot ang pandemya, kung saan hindi natin akalaing magbabago nang husto ang nakasanayan nating buhay, at sa puntong ‘to natin lubusang napahalagahan ang maayos na sistema ng pangkulusugan. Nakalulunos kung gaano kalayo ang health care system sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa, at iilan lamang ang may kakayahang pumasok sa magagandang ospital dahil sa napakataas na singil sa mga ito. Ngayong pandemya rin tunay na napahalagahan ang mga doktor, nurse at iba pang medical frontliners — karamihan ay kulang ang sinasahod habang ibinunuwis ang kanilang buhay para maisalba ang buhay ng mga COVID-19 patients. Milyun-milyong buhay sa buong mundo ang kinitil ng COVID-19, kung saan humigit-kumulang 40,000 naman ang mga Pinoy na namatay sa nakalipas na isang taon — at Quezon City ang may naitalang pinakamataas na COVID-19 cases.


Samantala, sa mabagal na pagbabakuna sa Pilipinas, patuloy na nadaragdagan ang mga kaso ng COVID-19, at ang nakakatakot pa nito ay ang patuloy na pag-mutate o pagbabagong-anyo ng virus. Ayon sa mga eksperto, ilang taon pa bago ito tuluyang mawala. Sa ngayon, kailangan natin itong harapin, kasabay sa kung paano tayo namumuhay. Kaugnay nito, sana ay huwag nating kalimutan ang pinaka-simpleng protocols:


  • Palaging isuot ang facemask! Siguraduhing natatakpan nito ang ilong bukod sa bibig.

  • Magsuot ng face shield, lalo na sa matataong lugar.

  • Distansiya amigo! Ibig sabihin, kahit kaibigan o kamag-anak, kung hindi kayo nakatira sa iisang bahay, kailangan ng distansiya. Iwasan muna ang pakikipagkita, tutal uso naman ang video call, so, feeling LDR muna tayo!

  • Ugaliing magbaon ng alcohol at maghugas ng mga kamay. Mas okay na ang dry skin kaysa naman “no skin” kung tamaan ng virus at hindi palaring gumaling. Nakupo!


At dahil nauuso ang mga online shopping, narito naman ang ilang safety protocols tuwing tatanggap ng parcel kay manong rider:


  • Maglagay ng bangko sa labas ng bahay upang doon ipatong ang item.

  • Magsuot ng facemask kahit pa mabilisan lang ang pagkuha ng item.

  • Linisin ang mga pinamili mula sa supot hanggang sa mismong produkto.


Kung may makita tayong kababayan na tila nakakaligtaan ang pagsunod sa mga protocol, huwag madyaheng sila ay pagsabihan. Tandaan, hangga’t may taong hindi “safe”, hindi rin tayo safe kahit ano pang pag-iingat ang ating gawin.


Samantala, isa pa rin sa pinakamagagandang artista ang hipag kong si Ara Mina, at kahit hindi siya natigil sa pagtatrabaho nitong pandemic, suwerte at never siya tinamaan ng COVID-19. Well, anu-ano nga ba ang secrets niya para mapanatiling malusog ang pangangatawan bukod sa pagiging maganda?


Aniya, “Importante talaga sa akin ang maging healthy, kaya una kong tip na ginagawa ko araw-araw ay uminom ng Vitamin C, Zinc, Vitamin D at Imuregen. Hindi rin ako naninigarilyo, and I eat healthy food. ‘Pag wala namang work, nag-e-exercise rin ako. At siyempre, hindi ko pinababayaan ng skin ko para healthy inside and outside.”


Be safe, stay healthy, and be happy!




 

May iba ka pa bang tips na nais ibahagi? May mga katanungan o nais idulog? Ipadala ito sa aking email address: mathayrikki@gmail.com


0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page