top of page
Search

Safe na biyaheng pampasahero at komersyo

BULGAR

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | May 26, 2022


Pito ang namatay, 120 ang nailigtas sa pinakahuling trahedya sa karagatan. Isang pampasaherong lantsa ang nasunog sa karagatan ng Real, Quezon noong Lunes. Kumalat ang apoy sa MV Mercraft 2 bandang alas-5:30 ng umaga. Limang babae at dalawang lalaki ang nasawi habang dalawampu't tatlo ang nasaktan.


Ang mga unang ulat ay nagsasabing ang apoy ay maaaring nagsimula sa silid ng makina.

Tumalon ang mga pasahero sa dagat at kumapit sa mga lumulutang na bagay. Nagpapatunay lamang na wala silang suot na life vests nang tumalon sila. Nalunod ang pitong nasawi.


Ang bansa ay hindi na bago sa mga trahedya at aksidente sa dagat.


Hawak pa rin natin ang pinakamalalang trahedya sa dagat.


Noong Disyembre 20, 1987, ang MV Doña Paz ay patungo sa Maynila mula Tacloban nang bumangga sa MT Vector. Sumiklab ang dalang krudo ng MT Vector at kumalat sa Doña Paz. Nasunog at lumubog ang dalawang barko.


Ang kapasidad na pasahero ng MV Doña Paz ay 1,518 ngunit libu-libo ang namatay.

Dalawampu't apat lamang ang nakaligtas mula sa Doña Paz habang dalawang tripulante mula sa Vector. Sa kabuuan, 4,386 ang namatay sa trahedya.


Ang pangalawang pinakagrabeng trahedya ay nangyari sa Tsina, noong 1948.


Pansinin ang mga taon kung kelan naganap ang mga trahedya. Siguro naman mas moderno na ang kagamitang barko noong 1987 pero nagbanggaan pa rin.


At kabalintunaan nga na isang taon lamang matapos ang trahedya sa Doña Paz, lumubog naman ang MV Doña Marilyn mula sa parehong kumpanya matapos itong maglayag mula Manila patungong Tacloban sa kasagsagan ng bagyo – 389 ang namatay.

Nagdala ito ng pagpuna sa Philippine Coast Guard (PCG), kung saan may mga alegasyon ng katiwalian at kawalan ng kakayahan.


Bakit papayagan ng PCG ang libu-libong pasahero na magsiksikan sa isang sasakyang pandagat gaya ng nangyari sa Doña Paz? At bakit pinapayagang maglayag ang barko habang may bagyo tulad ng nangyari sa Marilyn?


Inaayos ng PCG ang kanilang imahe. Mas mahigpit na ngayon sa bilang ng pasahero at paglalayag kapag may bagyo.


Ngunit ang pinakahuling aksidenteng ito, kung saan tumalon ang mga pasahero sa dagat nang walang life vests ay dapat mapuna ng PCG. Binigyan ba ng life vests ang bawat pasahero? Ito ba ay kaso ng kapabayaan sa bahagi ng mga tripulante ng barko, o kamangmangan sa kahalagahan ng mga vests ng mga pasahero? Ito ang mga tanong matapos ang isa na namang trahedya.

Dapat magsagawa ng imbestigasyon. Ang ating bansa ay umaasa sa industriyang karagatan para sa ligtas na biyaheng pampasahero at sa komersyo.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page