top of page
Search
BULGAR

SAF members sa ‘raket’ na escort service, nasampolan

ni Ryan Sison @Boses | Nov. 17, 2024



Boses by Ryan Sison

Nakakadismayang malaman na ang mga itinuturing nating mga alagad ng batas ay nagagawa pang ‘rumaket’ ng nauuso ngayong escort service.


Kaya naman inaprubahan ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Marbil ang pagsibak sa serbisyo sa 11 miyembro ng Special Action Force (SAF) na sangkot sa pagbibigay ng escort services sa isang Chinese national.


Ayon sa PNP, ang mga SAF personnel na ito ay napatunayang guilty ng grave misconduct, dishonesty, grave irregularity sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at conduct unbecoming of a police officer. Nahaharap din sa 31 araw na suspensyon ang isang police captain matapos mapatunayang guilty sa simple neglect of duty at less grave neglect of duty. 


Ang mga naturang parusa sa kanila ay nag-ugat sa isang insidente, nang magpang-abot at magsuntukan ang dalawa SAF member, noong May sa isang subdivision sa Ayala-Alabang, Muntinlupa. 


Dito nadiskubre ang umano’y moonlighting ng mga SAF trooper bilang mga security escort para sa isang Chinese national na nauugnay sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).


Ilang SAF officials umano ang pinalabas na ang dalawang SAF commando, na nasa Muntinlupa, ay physically present o naroroon sa kani-kanilang mga assigned unit sa 52nd Special Action Company Zamboanga at 55th Special Action Company Zamboanga.


Subalit, batay sa imbestigasyon ng Internal Affairs Service (IAS) ng kagawaran, lumitaw na itinalaga ang nasabing SAF members ng kanilang battalion commander bilang security para sa isang Chinese family, kung saan isang paglabag ito sa PNP rules.


Mabuti ang naging desisyon ng pamunuan ng ating PNP na sibakin ang mga naturang pulis sa kanilang serbisyo para hindi na makapanghawa pa ng iba.


Ang masaklap lang dito ay marami na silang nagawang kabalbalan at kung anu-anong anomalya sa kanilang organisasyon bago pa madiskubre at saka maparusahan.

Hindi lang ‘yun, nakukuha pa ng mga pulis na ito na pumasok sa mga escort service kahit na batid nilang hindi pinapayagan ang ganitong gawain.


Hiling lang natin sa kapulisan na sana ay mas paigtingin ang paglilinis sa kanilang hanay at panatilihin ang pagtataguyod ng pinakamataas na pamantayan ng propesyunalismo at accountability habang huwag na huwag kunsintihin ang masamang gawain o anumang katiwalian sa mga miyembro.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page